Mafia sa PhilHealth at walang konsensiyang oil companies | Bandera

Mafia sa PhilHealth at walang konsensiyang oil companies

Jake Maderazo - June 10, 2019 - 12:15 AM

NAKABABAHALA ang pag-amin ni Dr. Roy Ferrer, PhilHealth president na merong “mafia” sa loob mismo ng kanilang tanggapan.
Katunayan, sinuspinde na raw nila ang ilang miyembro ng mafia na kumokontra sa kanilang kampanya laban sa korupsyon at dayaan.
Sinisiyasat din daw ang higit 2,000 health providers dahil sa mga maanomalyang “medical claims”.
Sa aking pagsasaliksik, merong dalawang regional vice presidents ng PhiHealth ang sinuspinde noong November 2018 dahil sa iba’t ibang anomalya. Meron ding mga middle managers ang sinuspinde rin dahil sa gross misconduct and dishonesty.
Tama si Dr. Ferrer, masyadong makapangyarihan ang “mafia” na meron pang “fraternity” at kaya nilang siraan, tanggalin ang sinumang bagong pinuno ng PhilHealth kung hindi makikisama.
Pero, nagkabulgaran na at dito nawalan tayong lahat ng P154-bilyong halaga ng kontribusyon.
Isipin ninyo, lahat tayong empleyado ay binabawasan ng mula sa mababang P2,400 hangga’t P3,600 bawat taon na pwersahang PhilHealth contribution at pagkatapos ay kukulimbatin lang ng mga tiwaling opisyal, kasabwat ang mga ospital, clinic at mga doctor.
Lumilitaw ngayon na pati mga patay na ay pinagkakitaan pa ng mga walanghiyang ito.
Nag-utos na si Pangulong Duterte na ipakulong ang mga sangkot sa mga anomalyang ito sa PhilHealth, at sana’y walang santuhin sa paghahabol sa mga ito. Kasuhan ng plunder, ikulong ang mga opisyal at miyembro ng mafia, tanggalan ng accreditation ang mga ospital, at tanggalan ng lisensya ang mga kasangkot na doctor.
Bukod diyan, bantayan nang husto ang perang ito at magbuo ng malalaking task forces na magsisiyasat at susuri sa mga pang-aabuso sa be-nefits. At unang-unang dapat nating makita rito ay isang makatotohanang “top to bottom revamp” sa nasabing ahensiya.
Dapat ding simulan ang mga imbestigasyon sa mga ill-gotten wealth ng mga opisyal na miyembro ng mafia para mabawi ang pera natin.
***
Bukas, Martes, Hunyo 11, magbababa ng presyo ang mga oil companies sa pangunguna Shell na magbabawas ng P2.45/L sa presyo ng gasolina at P2.70/L sa diesel, alas-6 ng umaga.
Wala pang anunsyo ang Petron at Chevron tungkol sa kanilang rollback. Ito’y sa kabila ng mas maagang rollback ng ilang independent oil companies.
Hindi pa nga tapos ang “weekend trading” sa MOPS sa Singapore noong Biyernes, nagbawas agad ang Petro Gazz ng P2.00/L sa presyo ng gasoline at diesel nito. At Sabado ng alas-6 ng gabi, binawasan ng Phoenix Petroleum ang kanilang gasolina ng P2.60/L samantalang P2.70/L naman sa diesel.
Sa ngayon, merong 6,900 gas stations sa buong bansa, 3,900 dito ay sa big three o Petron, Shell at Chevron samantalang 3,100 naman sa independent oil companies. At kung maghihintay pa ng tatlong araw ang mga big three companies bago mag-rollback, ibig sabihin, malaking pera ang itatabo ng kanilang 3,900 gas stations .
Sa kwenta kong 5,000 liters na diesel araw-araw sa bawat gas station na kikita ng P2.70/L dahil hindi nag-increase sa loob ng tatlong araw, kikita ito ng papatak na P40,500. At kung lahat ng Big three stations, ito’y P157.9M na kita nila sa Sabado, Linggo at Lunes na hindi pag-rollback.
Hindi ba’t parang mafia rin ito!?

(Pakinggan at panoorin ang Banner story mula alas-8 hanggang alas-9 ng umaga, Lunes hanggang Biyernes. Mag-email sa [email protected] para sa comments)

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending