PAIBA-iba ang estilo ng pagpapahirap sa mga OFW ng mga employer.
Nariyang pinapalo, kinukurot, sinasampal at tinatadyakan sila. Madalas ay ikinukulong sila at hindi pinapakain.
Mayroon din namang ginagahasa, na kung minsan ay pinagtutulungan pa ng mag-asawa ang ginagawang panghahalay sa biktima.
Pero kakaiba na ngayon. May naisip na bagong style ng pagmamamlupit ang employer.
Tulad ng nangyari sa OFW sa Riyadh, Saudi Arabia. Itinali ang Pinay OFW sa isang puno doon sa loob ng pitong oras!
Ayon sa OFW, naging kaugalian na niya na dinadala ang bangko sa labas ng bahay. Pero sa pagkakataong iyon, kinuwestiyon siya ng kanyang amo.
Walang paliwanag pang hinintay si madame. Kaagad siyang hinaltak nito, tinawag ang driver saka inutusan itong itali ang OFW sa puno mula alas-2 ng hapon hanggang alas-9 ng Gabi.
Ayon pa sa OFW, mas matindi pa siguro ang inabot niya kung hindi Lang panahon ng Ramadan noon.
Ngayong nakauwi na sa Pilipinas, nagpapasalamat ang OFW dahil nag-viral ang ipinost niyang video kaya agad siyang nasaklolohan mula sa malupit niyang employer.
Bakit nga ba nagagawang saktan ng mga dayuhang employer ang kanilang mga kasambahay?
Ang solusyon diyan: huwag nang padalahan pa ng ating mga kababayan ang sinumang employer na may record ng pang-aabuso sa mga OFW.
Hangga’t walang pinapapanagot, walang kinakasuhan o inerereklamong employer, tiyak na magpapatuloy ang ganitong mga kalagayan.
Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM(M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziqHelpline: 0998.991.BOCW E-mail: [email protected]/[email protected]
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.