Alex nagsisisi na, hihingi ng tawad sa mayor ng Parañaque
MABUTI na ring nangyari kay Alex Gonzaga nang ganito kaaga ang kaliwa’t kanang upak sa kanya sa social media dahil sa padaskul-daskol niyang pagsasalita sa mikropono.
Matagal nang maraming pumapansin sa mga atake niya sa TV, pataklesa siyang magkomento, pero nalulusutan niya ‘yun.
Pero nakakita siya ng katapat sa ginawa niyang pagbibitiw ng salitang mandurugas sa isang entablado de kampanya.
Nai-video ng mga nandu’n ang kanyang sinabi laban sa mayor ng Parañaque at sa kalaban din mismo ng kanyang ama sa Taytay.
Hindi niya ‘yun puwedeng ipagkaila, wala nang ligtas na personalidad ngayon sa paglaganap ng social media, may ebidensiyang nailalabas ang mga nagrereklamo.
Plano niyang magpapadrino ngayon sa misis ni Konsehal Vandolph Quizon na si Barangay Chairman Jenny Salimao para personal niyang makausap si Mayor Edwin Olivarez.
Gusto niyang humingi ng paumanhin, kailangan niyang aksiyunan ang isyu, dahil balitang-balita nga na papatawan siya ng pagiging persona non grata sa siyudad kapag hindi siya kumilos agad-agad.
Kailangang may matutuhang leksiyon si Alex Gonzaga, ang pagiging komedyante niya ay hindi puwedeng palutangin sa lahat ng pagkakataon, may mga panahon na kailangan niyang mag-isip muna nang maraming beses bago siya magpakawala nang masasakit na salita.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.