Nicco Manalo, Vera bawal magkita at mag-usap bago gawin ang ‘TAYO sa Huling Buwan ng Taon’
SIGURADONG magugustuhan at makaka-relate uli ang lahat ng mga nakapanood sa pelikulang “Ang Kuwento Nating Dalawa” sa sequel nitong “TAYO sa Huling Buwan ng Taon”.
Napanood namin ang pelikula sa ginanap na special screening nito sa Cine Adarna, UP Diliman kamakailan na dinaluhan ng buong cast at producers.
Taong 2016 nang ipalabas ang “Ang Kuwento Nating Dalawa” na isinulat at idinirek ni Nestor Abrogena na talagang nag-hit sa mga manonood. Kaya naman naengganyo ang TBA Studios na siyang nag-produce ng movie na gawan ito ng part 2.
Bida pa rin dito sina Nicco Manalo bilang teacher na si Sam at isa ring aspiring filmmaker, at si Vera bilang si Isa na isa namang writer. Sa part 1 nagkakilala ang dalawa at nagkainlaban kahit na may boyfriend na si Isa habang paalis naman patungong Berlin si Sam para sa isang film scholarship. Walang na-resolve sa ending ng “Ang Kuwento Nating Dalawa”, meaning bitin na bitin ang ending nito.
At dito nga sa “TAYO sa Huling Buwan ng Taon”, ipakikita kung ano na ang nangyari sa kanila after five years. Sa unang bahagi pa lang ng pelikula, alam mong matindi na naman ang pagdaraanan nina Sam at
Isa dahil may kanya-kanya na silang live-in partners.
Si Sam ay meron ng Anna (Anna Luna), na isa ring teacher, habang nagsasama na sa isang bahay sina Isa at Frank (Alex Medina), na isang pilot. At bukod sa masalimuot na relasyon ng apat na karaker, mas magiging challenging pa ito dahil sa pakikialam ng kani-kanilang mga pamilya.
Kung kasama kayo sa tinatawag na “kulto” ng “Kuwento Nating Dalawa”, sure na sure kami na makakakonek kayo agad sa mga characters sa part 2. In fairness, talagang makaka-relate rin ang mga viewers sa mga dialogue ng mga bida at “kontrabida” sa kuwento na pwede n’yong gamitin kung may mga hugot din kayo tulad ng apat na karakter sa movie.
Inasahan na namin ang galing ni Nicco dahil talaga namang maaasahan siya sa mga nakakatawa at madadramang eksena. Pero ang revelation talaga sa movie ay si Vera na nag-shine nang bonggang-bongga sa mga eksena nila ni Nicco. Ang ganda-ganda niya sa screen at may akting din.
At in fairness, kung sa unang tingin ay hindi sila bagay physically, sa pelikulang ito ay ang tindi ng kanilang chemistry kaya talagang aasa ka na sana’y sila na lang sa ending. Kung ano ang magiging katapusan ng kanilang muling pagkikita, at kung sila na nga ba ang magkakatuluyan sa huling buwan ng taon, ‘yan ang panoorin n’yo.
Kasama rin sa pelikula sina Peewee O’Hara, Alvin Anson, Madeleine Nicolas, Emman Nimedez at Bodjie Pascua.
Uy, nag-enjoy din pala kami sa mga kantang ginamit sa movie like “Huling Sandali” ng December Avenue, “The Fight is Over” by Urbandub and “Panahon” by Elle Sebastian. Sure na sure kami na kapag naglabas ang TBA Studios ng soundtrack ng pelikula, magiging sure hit din ito.
Nakachikahan namin sina Vera at Nicco bago ang special screening, at dito nga nila naikuwento kung paano nila inatake ang kanilang karakter.
“Actually, pinagbawalan po kami ni Direk na mag-usap within the time span of preparing for the second film after the first film, kasi nga five years after nu’ng magkita sila uli,” ani Vera. “Para raw kapag nagkita kami uli, mas authentic ‘yung awkwardness and true enough, sobrang awkward talaga,” dagdag ng dalaga.
“Bawal din kaming mag-chat, bawal kaming magkita, hindi ko siya pina-follow anywhere, sa Facebook, lahat, as in!” aniya pa. “But I think it served its purpose. Sana mapanood niyo ‘yung film and you’ll see what happened there in that scene.”
Chika naman ng anak ni Jose Manalo na si Nicco, “Kasama yan sa process namin, kumbaga naisama na namin ‘yung mga sarili namin sa proseso, sa mundo na ginagalawan nu’ng ‘AKND’ saka nu’ng ‘Tayo,’” aniya pa.
Grade A ang “TAYO sa Huling Buwan ng Taon” mula sa Cinema Evaluation Board.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.