Harlene sa mga martir na misis: Kung hindi ka na masaya tama na
SA ginanap na mediacon ng MMDA, ang ahensiyang nag-sponsor sa pelikulang “Rainbow’s Sunset” na nanalong best film sa 52nd WorldFest sa Houston International Film Festival nakausap namin ang producer nitong si Harlene Bautista (Heaven’s Best Entertainment).
Natanong namin siya tungkol sa kasalukuyan niyang karelasyon, si Neil Eugenio na nakasama rin niya noon sa Thursday group ng That’s Entertainment.
Inamin ni Harlene na business partner niya ngayon si Neil sa Salu Restaurant at sa iba pang negosyo niya kaya dito na naka-base ang boyfriend. Sa negosyo ba nagsimula ang kanilang relasyon?
“Kasi even before, nagkakausap na kami about business, siguro nga, siguro nga (kaya naging sila). Pero hindi iyon ang dahilan (bakit sila naghiwalay ni Romnick Sarmenta). Kasi matagal na kaming magkakilala,” paliwanag ni Harlene.
Inamin din ng dating asawa ni Romnick na hindi pa tanggap ng dalawang anak nila ang break-up nila, “Okay naman sila (mga anak), of course hindi ko pinipilit kung hindi pa (tanggap), pero okay naman sila,” pag-amin ng producer-actress.
Mabait at marespeto ang mga anak nina Harlene at Romnick kaya kahit ayaw nila sa bagong karelasyon ng mommy nila ay magalang pa rin silang humaharap kay Neil, “Pinalaki namin silang maayos,” sambit ni Harlene.
Hindi naging madali sa mga bata ang paghihiwalay ng magulang nila, “Hindi madali, especially ‘yung dalawang older ones (Avija at Zeke) kasi hindi nga kami nagsisigawan o nagmumurahan, kaya nagulat sila. Sinabi ko lang sa kanila ang totoo. Kasi paano ba? Dahan-dahan ba, malalaman din nila kaya sinabi ko na, kaya siguro parang shocked sila kasi sinabi ko agad ‘yung totoo at bakit?”
Sa kasalukuyan ay nasa proseso na ang annulment nina Harlene at Romnick kaya tinanong namin kung plano pa ba niyang magpakasal uli, “Hindi iyon ang iniisip ko, basta ang iniisip ko matapos ‘yung anumang dapat matapos.”
Ano ang maibibigay na advice ni Harlene sa mga mag-asawa na hindi na masaya sa kanilang pagsasama pero natatakot maghiwalay dahil sa kanilang mga anak, “Alam mo ang daming nag-message na friends ko na may mga pinagdadaanan din, sabi nila, ‘I admire you kasi napaka-brave, napaka-strong mo. Hindi naging madali!
“Kaya nga inabot ng ilang taon (bago nahiwalay). Ang sa akin kasi, ‘yung happiness ko is very important, pag naapektuhan na ang health mo, ‘wag na tama na.
“Kung nagawa mo na lahat tama na kasi may mga bata naman. Pero kung hindi ka na masaya huwag na, maawa ka naman sa sarili mo, ang sa akin kasi, life is short. Paano kung bukas may mangyari sa akin? At kung may mangyari, nawala ako na happy ako.
“And tingnan mo rin, baka siya (Romnick) happy na rin, hindi n’yo lang nakikita pareho, kasi baka lang akala n’yo kasal kayo (kaya hindi puwedeng maghiwalay), may ganu’n, eh.
“Pero nu’ng naghiwalay kami o nu’ng humiwalay ako, it’s selfish of me kung iki-keep ko ‘yung marriage tapos nakikita ko naman bugnot na ‘yung buhay namin, that would be selfish of me already.
“Kaya sinabi ko (kay Romnick) gusto ko maging masaya ka at hindi na ako ‘yung source ng happiness na ‘yun, akala lang natin. Kita mo nu’ng nawala na kami, nag-iba na ang itsura niya,” paliwanag ni Harlene.
Bilang magulang sa kanilang limang anak ay hindi pa rin nawawala at sa katunayan ay magkasama sila nitong Lunes, Mayo 6 dahil may activity sa eskuwelahan.
“Tumatawa kami, okay kami, kasi ‘yung time ng program was 3 p.m., so 1 p.m. nandoon na kami ng mga bata, binilhan ko ng pagkain ‘yung mga bata, e, siyempre nandoon siya (Romnick), binilhan ko na rin siya.
“Walang nabago bilang magulang, ang nabago lang is nawala na ‘yung romantic feelings, is better na ganito kami as friends. ‘Yung relasyon bilang mag-asawa wala na,” kuwento ni Harlene.
As of now ay walang nabago sa mga obligasyon ni Romnick sa mga anak nila ni Harlene at kapag hindi siya busy at walang gaanong trabaho ay nagkikita pa rin silang mag-aama.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.