SA loob ng 17 taon paglilingkod ng Bantay OCW sa ating mga OFW at kanilang mga kamag-anak, nakatataba ng puso at lalo kaming inspiradong makatulong pa kapag nakatatanggap kami ng mga mensaheng nagmumula sa ating mga OFW saan man sila naroroon.
Tulad na lamang ng ipinadalang mensahe ni Ana Mendoza sa Facebook account ng Bantay OCW:
“Hello Mam Susan. Maraming salamat po. Pagpalain po kayo ng poong Maykapal. Kayo po ang tunay na aming kakampi ng mga OFW. Isa po ako sa inyong natulungan taong 2007 noong ma-illegal recruit po ako sa paga-apply ko sa Italy. Dahil po sa inyong tulong, nabawi ko po ang perang binayad ko sa taong nanloko sa akin. Nandito po ako sa Taiwan since 2007 po. Salamat po
Mam sa walang sawa ninyong pagtulong sa amin. God bless you po at ang lahat ng inyong mga staff. More power & more blessings to come. Mag-iingat po kayo lagi. We salute you Madam.”
Maraming salamat din sa iyo, Ana, at hindi mo nakalilimutan ang inyong Bantay OCW. Pagpalain din kayo sa inyong paga-abroad at hangad namin na makabalik kayo nang ligtas dito sa Pilipinas.
Isa namang kabababayan natin ang nagtatanong kung ako nga raw ba ang dating Lady Susan na napapakinggan niya noon. Narito ang mensahe ni Virgie de Vera Bayadog.
“Magandang araw po. Curious lang po ako. Kapangalan po ninyo kasi ang isa sa dalawang radio personality na nakilala ko 22 years ago. Sa DZRJ station sa itaas ng J & T Building sa Sta. Mesa, Manila. Sina Lady Glo at si Lady Susan po. Nais ko pong malaman kung kayo po ba ‘yung radio personality na si Lady Susan? Na mi-miss ko na po kasi ang tinig nila. Sana ay tugunin po ninyo ito. Salamat po.”
Nakatutuwa namang malaman na naririyan ka Virgie upang alalahanin kung ako nga ba ang inyong napakikinggan noon sa radyo. Opo, ako po ang Lady Susan na una ninyong napakinggan sa DZRJ-AM.
Maraming salamat sa inyong pagtatanong at hindi mo na rin ako mami-miss dahil napapakinggan ako sa Radyo Inquirer 990 AM, Monday to Friday mula 9:00 a.m.- 11:00 a.m. sa Good Morning Inquirer Show kasama si Den Macaranas at sa aking Bantay OCW program, Monday – Friday 11am-12 noon at 12:30 to 2:00 pm, kasama ko naman diyan ang resident mediator ng Philippine Mediation Foundation, Inc. na si Zaldy Vilches. Happy listening po ulit sa radyo.
Mensahe naman ng paghihinagpis ang naisulat ng ating inang OFW na nagdurusa mula sa bansang Italya mula kay Darry Domingo:
“I feel so sad tonight. It’s really very hard to be far with your love ones. Being an OFW is not easy. If only they knew how I wish they are here with me. I really miss my kids. I feel guilty because I am always far from my kids. I want them to always remember that I love them so much and will catch up with both of them.”
Hindi nag-iisa si Darry sa kanyang nararamdaman. Napakarami nating mga ina, lalo pa, mga nagsosolong ina na tumatayo bilang nanay at tatay sa kanilang mga anak, na pilit pinaglalabanan ang kalungkutan, mairaos lamang ang pang-araw-araw na mga pangangailangan sa buhay.
Nagtitiis ang marami nating mga inang OFW na gampanan ang dapat sana’y papel ng kanilang mga asawa sa pagtataguyod ng kanilang pamilya. Ang malungkot nga lamang, tuluyan nang pinabayaan ng mga lalaking ito ang napakasisipag nilang mga asawa, na sa halip na magsumikap din, hinayaan na lamang nilang ang mga misis ang umako ng responsibilidad sa pamilya.
Iyan ang realidad ng pag-aabroad. Talagang walang hanggang pagtitiis ang daranasin ng ating mga nanay na OFW, lalo pa’t nakatapat ang mga ito ng mga batugang mister.
Samantala, anak naman ng OFW ang nagpadala ng mensaheng ito:
“Ako po si Mohhamad Sofian Abdullah at kapatid ko po si Siti Sarina Jappalul. Nais po naming makahingi ng tulong mula na inyo. May kinalaman po sa pang-suport mula sa tatay namin na nasa Brunei, Darussalam. Kasi po sampung taon na po kaming hindi sinusustentuhan. Ngayon po talagang nahihirapan ang mommy namin na madaming utang na. Nanghihingi po siya ng tulong financial sa tatay namin na hanggang ngayon ay napakahirap sa kanya na mag-abot ng tulong.”
Makikipag-ugnayan kami sa ama nina Mohammad at Siti upang alamin ang tunay na kalagayan niya kung bakit di na umano nagbibigay ng suporta sa kaniyang pamilya. Kailangan lamang namin ang ilang mahahalagang detalye upang mabilis naming maisagawa ito.
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer dzIQ 990 AM, Lunes – Biyernes, 11:00 am-12:00 nn, 12:30-2:00pm audio/video live streaming: www.dziq.am. Mapapanood sa PTV 4 tuwing Martes 8:00-9:00pm. Helplines: 0927.649.9870 / 0920.968.4700 E-mail: [email protected]/ [email protected]
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.