NAKU, mga abay, ang dami palang mga mambabatas—mga kongresista at senador— na sangkot sa P10-billion pork barrel scam!
Naglabas kahapon ang INQUIRER, sister newspaper ng Bandera, ng mga pangalan at retrato sa front page ng mga diumano’y sangkot sa scam.
Pero sinabi ng aking source na mas marami pang kongresista ang mga sangkot.
At ang perang nakamkam ni Janet Lim-Napoles, may-ari ng JLN Corp., ang kompanyang ginamit ng mga mambabatas upang kumita sa kanilang pork barrel, ay mahigit pa raw sa P10 billion for a decade.
Siyempre, kahati ni Janet Napoles ang mga mambabatas sa perang nakamkam sa gobiyerno.
Nagmamalaking sinabi raw ni Napoles sa isa niyang kaibigan na mas higit pa sa P10 billion ang kinita niya at mga kawatan na mambabatas.
Sinabi niya na mas marami pang mga mambabatas ang hindi nabanggit sa INQUIRER exposé.
Ang kaibigan na pinagmayabangan niya ay nagdaldal sa isang kaibigan.
Ang kaibigan na sinabihan na huli ang nagsabi sa inyong lingkod.
Of course, sa korte hindi tatanggapin ang ganitong impormasyon dahil sasabihin na ito’y hearsay o hindi nakuha sa isang kapani-paniwalang source.
Pero malaki ang aking paniniwala sa aking kaibigan na nagdaldal sa akin.
Bakit tumatawa raw si Napoles nang sinabi niya sa kanyang kaibigan ang tungkol sa pork barrel scam.
Dahil alam niya na kapag siya’y nagsalita, maraming masasabit na mga matataas na opisyal ng gobiyerno.
Alam niyang walang patutunguhan ang imbestigasyon.
Marunong siyang kumalat ng “biyaya” kaya’t di nabunyag ang kanyang kriminal na gawain sa matagal na panahon.
Ang nagbunyag ng kanyang gawain ay mismo niyang tauhan, si Benhur Luy, na nagnanakaw sa kanya at kanyang ipinakidnap nguni’t nakapagsumbong sa National Bureau of Investigation (NBI).
May kasabihan sa
ating mga Pinoy na walang sekreto ang hindi nabubunyag.
Sisingaw at sisingaw ang pinaka-iingatan na baho.
Ganyan kung magtrabaho ang karma.
Nang ang OFW Family party list group, na nangangatawan sa mga overseas Filipino workers, ay itinatatag pa, dumalo ako sa isang miting ng grupo.
Ang OFW Family ay nanalo ng dalawang upuan para sa House of Representatives noong nakaraang eleksiyon.
Kung hindi ako nagkakamali ang mga nasa miting noon ay sina dating Ambassador Roy Señeres, ang dating actor na si Johnny Revilla, isang napakagandang babae na ang pangalan ay Elo.
Ang miting na yun ay naganap sa isang Italian restaurant sa Burgos Circle, Bonifacio Global City, Taguig.
Ang pagkakaibigan namin ni Señeres ay matagal na kaya’t inimbita niya ako sa dinner-meeting.
Ipinakita ni Señeres sa akin ang line-up ng OFW Family party list: Siya bilang first nominee; si Revilla, bilang second nominee; at Roy Señeres Jr. bilang third nominee.
Pinrangka ko si Señeres na parang mahalay yata na silang mag-ama ay nasa isang partido.
Sinabi niya na aalisin niya ang kanyang anak at ang kanyang ipapalit bilang third nominee ay si Bembot Rosales, isang dating ship captain.
Hindi tinupad ang sinabi niyang yun sa akin.
Ngayon na nanalo silang dalawa ni Revilla, ibig alisin ni Señeres si Revilla.
Ang kanyang dahilan na inaalis niya ang dating actor—na anak ng yumaong actor na si Armando Goyena—ay siya’y US citizen.
Ang ang masaklap pa nito, ang kanyang ipapalit ay anak ng mandarambong na si Janet Napoles na si Jo Christine Napoles.
Ang hindi yata alam ni Señeres ay binitiwan na si Revilla ang kanyang US citizenship bago pa man mag-eleksiyon.
Kaibigang Roy, nasaan ang iyong prinsipyo?
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.