KUNG ang mga survey ang paniniwalaan, mas maraming kandidato sa pagkasenador ng Hugpong Ng Pagbabago ang mananalo sa eleksyon.
May mga prediksyon na walo sa 12 ang makakapasok sa mga kandidato ng HNP. May nagsasabi rin naman na siyam.
Mahalaga para sa administrasyon na maraming kandidato nila ang manalo para masuportahan si Pangulong Duterte sa huling tatlong taon nito sa Malacanang.
Bukod sa HNP, nagbibilang na rin ang mga magkakakampi sa Senado.
Ang prediksyon, kung marami sa mga taga-HNP ang magiging senador matatanggal sa pagiging Senate President si Sen. Tito Sotto.
Marami sa mga bumoto kay Sotto nang palitan nito si Sen. Koko Pimentel ay last termer na o kaya ay tumatakbong independent, meaning wala sa listahan ng HNP.
Ang mga kasalukuyang senador lang na nasa listahan ng HNP ay sina Sen. Sonny Angara, Sen. Cynthia Villar, Sen. JV Ejercito, at Sen. Pimentel. Marami sa mga kandidato ng HNP ay dati nang senador o bagong senador.
Kung ang mga taga-HNP ang makakapasok, ang magiging Senate President umano ay si Sen. Juan Miguel Zubiri, na nag-resign sa pagkasenador noong 2011 bago magbaba ng desisyon ang Senate Electoral Tribunal sa election protest na inihain ni Pimentel.
***
Bukod sa bilangan para sa Senate President, mahalaga rin umano ang bilang sa Senado kung itutuloy ni Duterte ang Charter change.
Kung ang Constituent Assembly ang gagamitin sa pag-amyenda sa 1987 Constitution, ang kailangan ay three-fourths vote ng Senado at Kamara de Representantes.
Sa Kamara ay sinasabing madaling makuha ang boto, pero sa Senado ngayon ay hindi. Ang tanong ay kung kaya na kayang makuha ang three-fourth (24 senators divided by 4= 6 times 3= 18 ang kailangang boto) kapag nanalo ang mga kandidato ng HNP.
***
Last hurrah na rin ng administrasyon ang 18th Congress. Kung anuman ang magagawa pa ng Duterte government ay magiging batayan ng mga botante sa 2022 elections kung iboboto ang mapipisil na papalit kay Duterte.
Pero kung tuloy ang Chacha, maaalis nga kaya si Duterte o extended siya hanggang sa maitayo ang bagong gobyerno?
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.