Jem Cubil kinuha ng Viva kahit nganga sa PGT, The Voice
NAPANOOD namin ang single launch ng awiting “Tanong” na isinulat, kinanta at pinrodyus ng Viva artist na si Jem Cubil sa 70’s Bistro, Anonas Project 2, Quezon City nitong Huwebes.
Sinuportahan ito ng mga baguhan ding singers tulad nina John Roa, Sabu, Rice_Lucido at Malana.
Unang beses naming napanood na mag-perform ang binatang taga-Talisay, Cebu na unang lumuwas ng Maynila noong 2011 para mag-audition sa Pilipinas Got Talent Season 2 pero hindi pinalad na manalo. Si Marcelito Pomoy ang nag-uwi noon ng titulo.
Pero hindi pa rin nawalan ng pag-asa si Jem dahil muli siyang sumabak sa The Voice of the Philippines Season 2 (2014) at unang linya palang ng kanyang kanta ay umikot na kaagad si Coach Apl.de.Ap, sinundan ni Lea Salonga na talangang nagulat pagkakita sa binata at sabay senyas kay Sarah Geronimo (na guwapo) pero hindi umikot ang dalaga.
Si Bamboo ang ikatlong umikot pero si coach Lea ang pinili ng binata. Hindi ulit pinalad si Jem sa kanyang pagsabak sa The Voice dahil si Jason Dy ang hinirang na champion mula sa Team Sarah.
Kahit dalawang beses nang hindi pinalad na manalo si Jem ay hindi pa rin siya nawalan ng pag-asa, bagkus ay naging challenge sa kanya ang lahat at panay ang post niya ng cover songs hanggang sa napansin na siya ng Viva at kinuhang contract artist ng Viva Artist Agency at Viva Records.
Palibhasa guwapo at maganda ang boses ay si Jem ang napiling kumanta ng soundract ng mga pelikulang “Meet Me In St. Gallen” na may titulong “The Morning After” ka-duet ang kapwa Viva artist na si Andrea Babierra na akala ng lahat ay foreigner ang kumanta.
Ang daming nagkagusto sa OST ng pelikula nina Carlo Aquino at Bela Padilla, sa katunayan ay almost 3 million views na ito sa YouTube dahil nakaka-LSS (last song syndrome) naman talaga ito kapag napakinggan n’yo.
Sinundan pa ito ng theme song ng pelikulang “Sid & Aya” na may titulong “When I See You”, pati na ang “Heartbeats” ka-duet ulit si Andrea.
At hindi lang ang pagkanta ang pinasok ni Jem dahil sinubukan na rin niyang umarte sa TV series na Ghost Adventures at Blue Jeans mula sa Sarisari Original Cignal TV. Marami na ring TV guestings ang binata.
Hoping si Jem na sana’y mabigyan siya ng pagkakataong mapasama sa mga teleserye ng ABS-CBN pero kahit na mangyari ito ay hindi pa rin daw niya iiwan ang pagkanta na first love niya.
Anyway, ang awitin naman niyang “Tanong” ay handog ni Jem sa kanyang ex-girlfriend na ayon sa kanya ay mahal na mahal niya pero hindi niya alam kung anong nangyari at napunta rin sa wala ang kanilang relasyon.
Na-release na ang “Tanong” sa Spotify, iTunes, Spotify at sa iba pang digital music stores.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.