NATAGPUANG patay ang isa sa mga suspek sa malagim na pagpatay sa isang ginang at dalawang anak, matapos umanong magbigti sa istasyon ng pulisya sa San Jose del Monte City, Bulacan, Martes ng umaga.
Nadiskubre na lang ng isang kapwa detainee na nakabitin si Joselito Cortez sa banyo ng custodial facility, dakong alas-2, ayon kay Col. Chito Bersaluna, direktor ng Bulacan provincial police.
Nakabitin si Cortez sa kisame sa pmamagitan ng kawad ng kuryente, aniya.
Dahil dito, agad tinawag ng mga inmate ang jail guards. Agad dinala si Cortez sa district hospital, pero idineklarang patay ng doktor, ayon kay Bersaluna.
Matatandaang si Cortez, 48, ay isa sa dalawang lalaking inaresto para sa umano’y pagpatay Jaymee Casabuena, 28, at mga anak niyang sina Anton Gabriel, 8, at Joaquin Mateo, 4.
Una nang sinabi ng pulisya na ninakawan lang ni Cortez at kapwa suspek na si Wilson Nosal si Casabuena ng cellphone na kanilang ibinenta sa halagang P200, pero nanlaban umano ang ginang at mga anak kaya nila pinagsasaksak.
Natagpuan ang mga bangkay ng mag-iina noong nakaraang Miyerkules, at naaaresto sina Cortez at Nosal sa magkaibang lugar nang sumunod na araw.
Bukod sa robbery with multiple homicide, kinasuhan din sina Cortez at Nosal ng paglabag sa Animal Welfare Law dahil natagpuan ding patay sa saksak ang alagang aso ng mga biktima.
Sa isang panayam sa radyo, sinabi ni Lt. Col. Orlando Castil, hepe ng city police, na si Cortez ang sumaksak nang 21 beses sa anak ni Casabuena na si Joaquin Mateo, at tila di kinaya ng konsensya nito ang nagawa kaya nag-suicide.
Nakatagpo ng liham sa tabi ng bangkay n Cortez, kung saan ito humingi ng patawad, ayon kay Castil.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.