Lason-isip ng simbahan | Bandera

Lason-isip ng simbahan

Lito Bautista - March 29, 2019 - 12:15 AM

HUWAG Mo kaming pabayaan dahil nahaharap kami sa pag-aalipusta. Akayin kami sa katotohanan at turuan Mo kami. Iyan ang Pagninilay sa Ebanghelyo (Dn 3:25, 43-43; Sal 25:4-9; Mt 18:21-35) sa Martes sa ikatlong linggo ng Kuwaresma, sa kapistahan ni Santa Margarita Clitherow.
***
Sa Salmo 25, sumapit na ang panahon ng pagtawag sa Diyos (lahat ng relihiyon ay may Diyos at ang Kanyang Salita ay nalalahad sa bawat Pagtuturo) dahil sa ligalig dulot ng halalan sa Mayo. Sa muling workshop na ipinatawag ng isang diocese sa Metro Manila para sa kanilang laylayang-layko, ipinahayag ng nakatataas na mga layko kung anu-ano ang “ibababa” (sasabihin) sa mga botante sa parokya.
***
Unang kasinungalingan (sa aking pakiwari, pero di hatol) ng simbahan ay ang paggiit (hanggang ngayon) na si Atty. Maria Lourdes Sereno ay biktima ng kawalan ng katarungan ni Duterte (kailan naging isyu sa mahihirap si Sereno?). Mismong mga kasama ni Sereno sa Korte Suprema ang nawalan ng tiwala sa kanya dahil sa kanyang hayagang pagsisinungaling sa SALN. Ang masakit: ang buong simbahang Katolika raw ay suportado si Sereno. Ha? Iba ang paninindigan ni Father Dean Rannie Aquino hinggil sa quo warranto.
***
Ikalawang kasinungalingan: ikinulong si Leila de Lima nang walang kaso. Ha? Mga kaso ng droga sa Muntinlupa at isang kaso ng pagsuway sa QC ang dinidig kontra De Lima. Pitak ko sa dalawang serye ng kolum ang mga kasalanang laman ng pari’t madre, na inamin ni Cardinal Chito Tagle sa Roma, at tahimik na di pinansin ng simbahan at CBCP.
***
Ikatlong kasinungalingan: ang pagkiling ng Sandigan Bayan kay Imelda kaya nakapagpiyansa. Maraming paring abogado pero di sila kumibo sa hatol kay Imelda base sa “financial interests.” Ha? Interes lang yan at wala pang ninakaw. Kapag inapela sa Korte Suprema, baka acquitted na naman si Imelda.
Sa halalan sa Mayo, malaking isyu pa ba si Imelda sa mahihirap? Bakit binubuhay ni Dutere ang department of human settlements?
***
Ang ikatlong kasinungalingan ay ang malisyosong akusasyon na sasakupin ng China ang Pinas dahil ito ang nais ni Duterte. Dito pa lang ay nagkasala na ang simbahan sa paglabag sa Ika-8 Utos ng Diyos. Paalala sa CBCP: tumanaw naman ng utang na loob sa mga Intsik. Simula 1571, pitong beses na itinayo ang Manila Cathedral, ang unang tatlo ay gamit ang pawid at kawayan. Sa ikaapat ng pagtatayo ng Manila Cathedral sa Intramuros, di nagpabayad at humingi ng pagkain sa mga pari ang mga piling Intsik na dalubhasa sa stone works, na naglatag ng adobe at apog. Bakit galit ang simbahan sa mga Intsik gayung milyones na ang naitulong ng mga matriarkang Gokongwei at Sy sa kanila, lalo na sa mga obispo?
***
Ang mga paring Kastila ay tagamando (construction foremen) lang sa mga Indio at Intsik, na sa mata ng mananakop ay ka-ranggo lang ng kalabaw at aso. Sa mga batong tulay, moog at arko sa Pagsanjan, Tayabas, Candelaria, San Pablo at Romblon (Fort Santiago at Fort San Andres), mga Intsik na dalubhasa sa pagtiltil ng marmol at abobe ang pinagtrabaho ng mga prayle nang walang suweldo; at higit pa sa otso oras.
***
Simula 2008, motorsiklo na ang gamit ko para makarating sa kalye Mascardo, Makati, mula sa North Caloocan at SJDM City, Bul. Bihira na akong magmaneho ng apat ang gulong. Bahala na, susunod ako sa malaking plaka sa harap ng motor, na atas ng mangmang na mga politiko. Exempted ba ang mga pulis-intel at SOG na walang plaka at ilaw sa harap at likod ang mga motor na gamit sa operation?
***
UST (Usaping Senior sa Talakayan sa Lawang Pare, San Jose del Monte City, Bulacan): Sa karamihang talakayan ng senior citizens, di lumiliban sa usaping pera. Demonyo nga ba ang pera? Tulad ng pag-iingat sa kalusugan, mas ibayo ang gawin sa pera. Di ba’t sa pera umaabuso?
***
PAGBABAHAGI sa NilaYan (Nilay-Ugnayan sa Cutcot, Pulilan, Bulacan): Mas maaya’t malinis ang pamumuhay sa barrio. Kung may pera, sige, sa Valenzuela o Meycauayan ka. Kapitbahay ang mga magnanakaw, lasenggo at rapist.
***
PANALANGIN: Sa pagsapit ng halalan, sa Iyo ako, Panginoon, umaasa sa lahat ng araw. Pagninilay, Salmo 25:5.
***
MULA sa bayan (0916-5401958): Sige Inday. Kung saan ka, doon kami. Hindi nila alam kung gaano karami ang magpapakamatay kay Inday Sara. Nol Disomangcop, …9118, Lasang, Bunawan, Davao City

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending