HINATULANG makulong ng 90-120 taon ang dating mayor sa Claveria, Misamis Oriental sa mga kasong graft kaugnay ng iregularidad sa pagpapalabas ng pondo sa isang housing project noong 1995-1996.
Si dating Mayor Antonio Calingin ay napatunayang guilty sa 14 na kaso ng graft. Siya ay pinagbawalan na muling humawak ng posisyon sa gobyerno at pinagmumulta rin ng P7.205 milyon.
Ang kapwa akusado niya na si dating Municipal accountant Estrellita Ballescas ay napatunayan namang guilty sa siyam na kaso ng graft at hinatilang makulong ng 48-64 taon.
Ang private defendant na si Romeo Quiblat ay hinatulan naman na makulong ng 12-16 taon sa dalawang kaso ng graft.
Ang mga akusado na sina dating municipal treasurer Lourdes Plantas, dating assistant municipal treasurer Joaquin Dilag, at dating municipal engineer Romeo Estrada ay namatay naman bago nadesisyunan ang kaso.
Umabot sa 47 kasong graft ang isinampa ng prosekusyon pero binawi nito ang 32 noong 2009.
Inaprubahan umano ni Calingin ang pagpapalabas ng sobrang bayad para sa Balay Ticala Housing Project at nag-reimburse ng P3.576 milyon para sa mga hindi maipaliwanag na gastos. Hindi rin umano dumaan sa public bidding ang proyekto.
“Accused Calingin and Ballescas’ reckless disregard of auditing and accounting rules and regulations constitutes evident bad faith on the part of the former, and gross negligence on the latter’s part,” saad ng desisyon. “The common denominator of all these cases is that the transactions are seriously flawed from the beginning as there is no showing …that public bidding took place.”
Ipinababasura ni Ballescas ang kaso dahil xerox lamang umano ang mga ebidensya ng prosekusyon.
Hindi ito pinagbigyan ng korte at ayon sa Audit Team na tumestigo ang mga ebidensya ay nasira sa baha.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.