APATNAPU’T apat na pulis, kabilang ang dalawang mataas na opisyal, ang nasibak sa puwesto Miyerkules, matapos madakip ang ilang alagad ng batas para sa pangingikil sa mga kaanak ng mga drug suspect sa Pasig City at Pasay City.
Inutos ni National Police chief Gen. Oscar Albayalde ang pag-relieve kay Brig. Gen. Bernabe Balba bilang direktor ng Eastern Police District (EPD), at Col. Noel Flores bilang hepe ng Pasay City Police, sa ilalim ng doktrina ng “command responsibility.”
Inilipat na sina Balba at Flores sa Camp Crame, sabi ni Maj. Gen. Guillermo Eleazar, direktor ng National Capital Region Police Office.
Labinlimang miyembro ng EPD Drug Enforcement Unit, kabilang ang pinuno nitong si Maj. Allan Miparanum at suspek na si Cpl. Marlo Quibete, ang nasibak din sa puwesto.
Sa Pasay, 27 miyembro ng Drug Enforcement Team (DET) ang sinibak, pati ang kanilang officer-in-charge na si Lt. Ronaldo Frades at ang suspek na si Cpl. Anwar Nasser.
Naaresto si Quibete at Nasser sa magkahiwalay na entrapment operation ng NCRPO Special Operations Unit at PNP Counter-Intelligence Task Force (CITF), Martes ng gabi at Miyerkules ng umaga.
Nadakip si Quibete sa tapat ng isang fastfood outlet sa Brgy. Santolan dakong alas-10:30 ng gabi, matapos tumanggap ng P20,000 marked money mula sa isang Eva Cabansag, ani Eleazar.
Nag-ugat ang operasyon sa reklamo ni Cabansag tungkol sa umano’y paghingi ni Quibete ng pera kapalit ng di pagtuloy sa kasolaban sa kanya, kaugnay ng pagkaaresto ng kanyang live-in partner para sa isang kasong may kinalaman sa droga sa Marikina City noong Lunes.
Kumuha pa umano si Quibete ng P60,000 at kuwintas mula kay Cabansag matapos maaresto ang kinakasama nito, at pinuwersa pa ang babae na lumagda ng deed of sale para sa motorsiklong nakumpiska sa kanila, ani Eleazar.
Miyerkules naman nang madakip ng mga miyembro ng CITF si Nasser sa entrapment sa Pasay City Police Station, pasado alas-4 ng umaga.
Nilunsad ang operasyon dahil sa reklamo ni Joan dela Torre na humingi umano si Nasser at ibang miyembro ng DET ng P100,000, kapalit ng pagpapalaya sa live-in partner niyang si George Revilla, ayon sa CITF.
Nang isagawa ang operasyo’y nasa loob ng tanggapan ng DET ang iba pang miyembro ng team, pero tumakas ang mga ito sa backdoor, dala ang P100,000 boodle money, ayon sa task force.
Sa hiwalay na ulat ng NCRPO, sinasabing anim na miyembro ng DET ang nakatakas.
Kinilala ng CITF ang tatlo sa mga tumakas bilang sina Lt. Ronaldo Frades, Sgt. Rigor Octaviano, aat Patrolman Anthony Fernandez.
Samantala, nilabas ng task force si Revilla sa police station matapos madiskubre na ang “pag-aresto” sa kanya’y hindi itinala sa police blotter, at walang natagpuang dokumentasyon ng kaakibat na operasyon.
Nagpahayag ng pagkadismaya si Eleazar sa mga insidenteng kinasangkutan ng mga pulis, na naganap sa kabila ng pagtataas ni Pangulong Rodrigo Duterte sa sahod ng mga alagad ng batas.
“Easy money para sa easy life – yan lang ang naiisip kong dahilan kung bakit nagloloko pa ang ilan sa hanay namin. The president has given us a substantial wage increase, so there should not be any robbery-extortion cases anymore,” aniya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.