Bea, Derrick, Kristoffer nag-reunion sa seryeng Dragon Lady
SA pilot week ng bagong afternoon series ng GMA 7 na Dragon Lady, mapapanood ang muling pagsasama-sama ng tatlong Kapuso stars na sina Bea Binene, Kristoffer Martin at Derrick Monasterio.
Aminado ang tatlo na na-miss nilang makatrabaho ang isa’t isa kaya nagpapasalamat sila sa GMA 7 dahil sila ang kinuha para umeksena sa unang linggo ng Dragon Lady na magsisimula na ngayong Lunes after Eat Bulaga.
Nagsilbing mini-reunion ang set ng Dragon Lady para sa tatlong Kapuso stars. In fairness, kahit nagkaedad na sila ay hindi pa rin nawawala ang kanilang kulitan at asaran. Sa katunayan, medyo nahihirapan silang mag-emote sa madadrama nilang eksena sa DL.
Sabi ni Derrick, “Medyo awkward kasi pag sineryoso namin yung isa’t isa, natatawa kami. Pero bilang mga professionals ang mga kasama ko at magagaling na artista, siyempre nadadala nila ako.”
Chika naman ni Bea, effort talaga ang drama moments nila sa serye, “Kasi siyempre kaibigan mo, kaya kapag hindi nagte-take nagchichikahan kayo.”
Kuwento pa ni Bea, medyo nag-mature na raw silang tatlo dahil medyo seryoso na ang mga usapan nila tungkol sa buhay-buhay, “Nakakatuwa nga po kasi nafi-feel mo na tumatanda kayo sa mga pinag-uusapan ninyo.
“Parang dati, sobrang babaw lang ng mga topics,” aniya pa.
Si Bea ang gaganap na young Diana Zubiri sa Dragon Lady habang young James Blanco naman si Kristoffer. Si Derrick naman ay mamamatay agad sa kuwento.
Magsisimula na ito bukas sa GMA 7 lang.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.