ANIM katao, karamiha’y estudyante, ang nasawi at siyam pa ang sugatan nang sumalpok ang sinakyan nilang van sa isang cargo truck sa Zamboanguita, Negros Oriental, Biyernes ng umaga.
Kabilang sa mga nasawi sina Joshua Busmeon, 18; Cherry Rose Kadusale, 17; Kevin Aguilar, 13; Cherry Ann Kadusale, 17; at Christian Buenconsejo, 17, pawang mga estudyante ng Basay National High School sa bayan ng Basay, sabi ni Capt. Danilo Santillan, hepe ng Zamboanguita police.
Kagagaling lang nila sa Cebu City, kung saan sila dumalo sa pang-rehiyon na paligsahang “MathSayaw,” aniya.
Inaalam pa ang pagkakakilanlan ng ikaanim na nasawi, na isang babae.
Sugatan naman sina John Mark Prestin, guro; James Bagarinao, 18; Elmar Toquero, 17; Justine Generoso, 18; Willie CJ Chua; Jessie May Cabanal, 18; Vanessa Ybañez; Genelyn Tabojara; at isang Lawrence Villaver.
Hindi nasaktan ang van driver na si Jaypee Sarad at ngayo’y nasa kostudiya, sabi ni Msgt. Rosita Mindac, tagapagsalita ng lokal na pulisya.
Naganap ang insidente sa bahagi ng National Highway na sakop ng Brgy. Mayabon, dakong alas-6:20.
Lumabas sa inisyal na imbestigasyon na nag-swerve ang Toyota Hi Ace Commuter van na dala ni Sarad dahil sa madulas na kalsada, hanggang sa sumalpok ang kanang bahagi nito sa trak na minaneho ni Elpedio delos Santos, ani Mindac.
Dinala ng mga rescuer ang 15 sakay ng van sa Silliman University Medical Center at Negros Oriental Provincial Hospital, pero anim sa mga ito’y idineklarang patay.
Di naman nasaktan si Delos Santos sa kabila ng pinsala dinulot ng impact sa harap ng trak.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.