NAARESTO ang isang lalaki na nagpapanggap sa online bilang si Presidential Spokesperson at Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo matapos ang isinagawang entrapment operation, ayon sa National Bureau of Investigation (NBI).
Sinabi ng NBI na gumawa si Jose Villafuerte ng isang Facebook account kung saan pinalabas niya na ito ay account ng Office of the Chief Presidential Legal Counsel (OCPLC).
Nag-post umano si Villafuerte sa account ng mga opisyal na anunsyo at pahayag na kanyang kinopya sa lehitimong OCPLC account.
Nagsagawa ang NBI ng entrapment operation matapos sumulat ang OCPLC sa bureau at hinihiling ang agarang imbestigasyon kaugnay ng pekeng account, na ginagamit ang pangalan at litrato ni Panelo.
Sinabi ng NBI na maraming netizens ang nakipag-ugnayan sa pekeng account kung saan humihingi sila ng pabor at nagtatanong na si Panelo lamang ang otorisadong sumagot.
Nanghihingi umano ang pekeng account ng pera sa mga tao, kung saan idinadahilan na gagamitin ang pondo para sa mga proyekto na sinimulan ni Panelo.
Gamit ang pangalan na “Henry Tan,” nagawa ng isang operatiba ng NBI na maka-chat si Villafuerte sa pekeng account.
Humingi umano si Villafuerte ng pera na gagamitin sa isang proyekto para sa biktima ng bagyo sa Naga Cirt.
Nangako umano ang suspek ng malalaking kontrata sa Department of Health (DOH) kapalit ng pera.
Itinaksa ang entrapment operation kung saan pumayag si Villafuerte na makipagkita sa Cebu City noong Pebrero 21, 2019 para ibigay ang P500,000.
Base sa rekord ng NBIA, nahaharap ang suspek sa iba’t ibang kaso ng qualified theft at estafa.
Nahaharap si Villafuerte sa mga kasong computer-related identity theft, obstruction of justice, unlawful use of alias, use of falsified documents, falsification of public documents, usurpation of authority or official functions, at use of fictitious account.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.