Morales wagi sa Stage 3 ng Ronda Pilipinas 2019
IPINAKITA ni two-time champion Jan Paul Morales ng Navy-Standard Insurance kung bakit isa siya sa mga top sprinter ng bansa matapos manguna sa pulutong na tumawid sa finish line para maghari sa Stage Three ng LBC Ronda Pilipinas 2019 na nagsimula sa Iloilo at nagtapos sa Roxas City Hall sa Roxas City Linggo.
Kinailangan ni Morales, na tinanghal na Ronda king noong 2016 at 2017, na rumatsada sa huling 500 metro para manguna sa 179.4-kilometrong lap sa loob ng apat na oras, 35 minuto at 18 segundo para maungusan sina Dominic Perez ng 7-Eleven Cliqq-Air21 by Roadbike Philippines at Indonesian Projo Waseso ng Nex Cycling Team, na nagtapos sa ikalawa at ikatlong puwesto sa pareho ring oras.
Ito naman ang unang stage win ng 33-anyos na si Morales sa isang UCI-sanctioned race.
Naging espesyal din ang pagwawagi ni Morales matapos na maiwanan si two-time Southeast Asian Games gold medalist Mohd Harriff Saleh, ang Malaysian rider ng Terengganu Inc. TSG Cycling Team.
Ito rin ang ikalawang pagkakataon na Pinoy ang nanalo ng isang stage matapos magwagi si Marcelo Felipe of 7-Eleven sa Stage Two noong Sabado sa Guimaras.
Ang Tour de France veteran na si Francisco Mancebo Perez ng Matrix Powertag Japan ang nanalo sa Stage One.
Ang panalo ni Morales ay hindi naman nagpabago sa individual at team general classification dahil napanatili ng 42-anyos na si Mancebo at kanyang koponan na Matrix Powertag Japan ang pangunguna sa parehong dibisyon.
Nagawang mapangalagaan ni Mancebo ang kanyang kalamangan matapos na magtapos sa ikasiyam sa Stage Three.
Naging sapat ito para mapanatili ni Mancebo ang kapit sa itaas sa natipong oras na 12:22:46 o 3:52 minuto na angat kay 2018 Ronda champion Ronald Oranza ng Navy-Standard at 3:55 na lamang kay Perez, na itinala ang ikalawang podium finish matapos na pumangalawa sa Stage One na ginanap sa Iloilo.
Nanatili sa No. 4 si Morales (4:35), nasa No. 5 si Joo Daeyeong ng Matrix (4:53) at No. 6 si 2012 Ronda winner Irish Valenzuela ng 7-Eleven (5:20).
Ang iba pang bumuo sa top 10 ay sina Mark Julius Bordeos ng Army-Bicycology (5:20) at ang mga 7-Eleven riders na sina Rustom Lim (5:28) at Marcelo Felipe (6:26).
Napanatili ng Matrix ang kapit sa overall team lead sa natipong oras na 37:20:07 para makalamang sa 7-Eleven at Navy-Standard.
Patuloy naman na isusuot ni Mancebo ang simbolikong LBC red jersey sa 146.9 kilometrong Stage Four na magsisimula at magtatapos sa El Pueblo sa Roxas City.
Ang Ronda ay hatid ng LBC katuwang ang MVP Sports Foundation at suportado ng Versa 2-Way Radio, Juan Movement Partylist, Joel P. Longares Foundation, Standard Insurance, Bike Xtreme, Green Planet, Prolite, Celeste Cycles, Maynilad, 3Q Sports, Boy Kanin, Mega World, Festive Walk, Seda Atria at LBC Foundation, Department of Tourism, Department of Environment and Natural Resources, Iloilo City at Province of Guimaras.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.