2 shabu chemist na itinakas sa Cavite, dinampot sa San Juan
NADAKIP kahapon ng mga awtoridad sa San Juan City ang dalawa sa tatlong Chinese illegal drug personality na inagaw ng sindikatong kriminal mula sa mga jail guard sa Cavite noong Pebrero.
Nasakote si Li Lan Yan alyas Jackson Dy at misis niyang si Wang Li Na sa isang bahay sa Infanta Subd., P. Guevarra st., alas-12:30 ng madaling-araw, ayon kay Chief Insp. Elizabeth Jasmin, tagapagsalita ng PNP Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).
Mga miyembro ng CIDG Anti-Organized Crime Division (AOCD) ng nakatunton at nakaaresto sa dalawa, aniya. Sina Li at Wang, kapwa chemist ng iligal na droga, ay kabilang sa tatlong Intsik na ni-“rescue” ng Ozamis group noong Peb. 20, ayon kay Jasmin.
Isinailalim ang dalawa sa kustodiya ng AOCD habang hinahanda ang dokumento para sila’y mailipat sa kinauukulan, aniya.
Noong Peb. 20 ay inagaw ng aabot sa 20 armado sina Li, Wang, at Li Tian Hua habang sila’y dinadala ng mga guwardiya ng Cavite provincial jail sa isang korte sa Trece Martires City.
Sa tala ng pulisya, sinasabi na unang naaresto ang mga Intsik noong 2003 sa isang shabu laboratory sa Tanza, kung saan daan-daang kilo ng iligal na droga at mga kemikal na panggawa nito ang nasamsam.
Ang Ozamis group nama’y kilala para sa ilang “high-profile” na insidente ng panghoholdap at itinuturo din sa ilang pagpatay at pagdukot.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.