Nanay nina Rayver at Rodjun pumanaw na matapos makipaglaban sa stage 4 cancer
SAMPUNG taon makalipas pumanaw ang ama ng magkakapatid na Omar, Rodjun at Rayver Cruz na si Rodolfo Ilustre, sumakabilang-buhay na rin ang kanilang ina kahapon ng madaling araw.
Isang buwan nang naka-confine sa Makati Medical Center si Gng. Elizabeth “Melody” Cruz Ilustre matapos makipaglaban sa stage 4 cancer (sa pancreas).
Tanda naming kuwento ng manager ni Rayver na si Albert Chua ay nakaramdam ng pananakit ng tiyan at likod ang ina ng aktor at nagpa-check up, dito nalaman na nasa stage 4 na ang cancer nito kaya nabigla ang magkakapatid.
Sa loob ng isang buwang pamamalagi sa ospital ni Gng. Melody ay hindi siya iniwan ng mga anak, salitan sila sa pagbabantay sa ina lalo na si Rayver na kahit puyat dahil sa taping ng seryeng Asawa Ko, Karibal Ko, at iba pa niyang show sa GMA ay agad didiretso sa ospital.
Si Gng. Melody ay pinsang buo ng aktor na si Tirso Cruz III. Wala pa kaming detalyeng nakukuha kung saan ibuburol ang labi ng nanay nina Rayver at kung kailan ang libing.
Nakikiramay kami sa mga naulila ni Gng. Melody mula sa pahayagang BANDERA.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.