Sylvia kay Ate Guy: Ikaw pa rin ang nirerespeto ko…walang papantay
“KAHIT katiting ng narating ni Ms. Nora Aunor, hindi ko pa nararating iyon. Irespeto natin ang Superstar!”
‘Yan ang sagot ni Sylvia Sanchez nang tanungin tungkol sa kontrobersiyang bumabalot sa bago niyang pelikula, ang “Jesusa” na una ngang inalok kay Ate Guy.
Nagpaliwanag ang direktor ng pelikula na si Ronaldo Carballo kung bakit napunta kay Sylvia ang nasabing proyekto at kung bakit nawala sa eksena si Ate Guy. Ayon kay Direk Ronald, napakaraming hiniling ng award-winning actress sa kanya at sa mga producer at lahat ‘yun ay sinang-ayunan nila.
“Pero nu’ng magpipirmahan na ng contract, with due respect to her, which is normal naman to any contract signing, ibinalik ko through e-mail yung mga napag-usapan namin sa contract for her to read.
Nu’ng mabasa niya na, siya naman ang nagbigay ng mga elemento ng kontrata, nag-iba na yung isip niya.
“Marami na siyang tinatanong, mga nakakagulat na tanong. Hanggang kausap ko siya sa phone, naiiyak na talaga ako sa phone. Kasi hindi ko akalain na maiiba yung usapan sa napag-usapan na. After that, katabi niya yung handler niya, sinabi ko na pag-uusapan muna namin, pag-iisipan muna namin.
“Hanggang kinagabihan, hapon ko siya kausap, kinagabihan tinext ko na yung handler at sinabi ko na na-decide ng team na papalitan na lang namin siya. Malungkot man, pinalitan namin siya, natapos na du’n,” aniya pa.
Pagpapatuloy pa ng direktor at dati ring entertainment columnist, “The following day, as early as 8 a.m., tumatawag ‘yung handler at sinabing pumapayag na raw si Ate Guy kung anuman yung lahat nang nakalagay sa contract. Hindi na talaga ako pumayag, ‘Sorry, hindi na puwede kasi, imi-meet ko na yung ipapalit namin sa kanya.”
Nagkasundo naman ang direktor at ang OEPM (Oeuvre Events & Production Management) na ibigay kay Sylvia ang “Jesusa” na anila’y perfect choice at perfect replacement for the movie.
Nang hingan ng reaksyon si Ibyang tungkol dito, “Naging honest sila sa akin na second choice ako. Hindi naman ako nasasaktan e. Kasi sa Be Careful With My Heart hindi ako first choice doon. Maraming projects na hindi ako first choice, pero sa akin napupunta at ako ang suwerte. Hindi importante sa akin kung sino yung first choice nila. Ang importante sa akin, sa akin napunta at gagampanan ko nang buong-buo.”
Nakiusap naman ang award-winning actress na huwag na silang gawan ng intriga ni Ate Guy, “Maganda yung proyekto as in maganda. Pag napanood niya, hindi ko alam, baka ayaw niyang gawin kasi hindi niya talagang gustong gawin, kung anumang rason. Mayroon din kasing, sinasabihan nila ako na ‘After Ate Guy, ikaw na yung sunod. Ano ang pakiramdam?’ Yung parang kinu-compare ako kay Ate Guy.
“Gusto ko lang sabihin sa inyo dito na, please huwag n’yo akong i-compare kay Ate Guy. Kasi ni katiting sa narating ni Ate Guy, hindi ko narating iyon. Ate Guy is Ate Guy, no comparison. Irespeto natin ang Superstar dahil pinaghirapan ni Ate Guy iyan. Isa ako sa may respeto at humahanga sa Superstar natin.
“At kahit anong mangyari, lalapit pa rin ako sa kanya at sasabihin ko na walang yabang, ‘Ikaw pa rin ang nasa top. Ikaw pa rin ang nirerespeto ko. Ikaw pa rin ang nag-iisang Nora Aunor!’ Nora Aunor is Nora Aunor! Walang makakapantay, walang makakalagpas!”
Tinanggap din daw agad ni Sylvia ang pelikula dahil sa ganda ng istorya nito, “Nu’ng kinausap ako ni Direk Ronald kung ano yung role, in-explain niya sa akin. Hindi niya alam, slowly bawat detalye ng salita about Jesusa pumapasok na siya sa sarili ko, pumapasok na siya sa katauhan ko, parang ako na si Jesusa.
“Sabi ko pa nga, ‘Wow! Ibang-iba ito sa akin. So, sige kunin ko ‘to.’ Kasi yung role nakita niyo naman, naging loka-loka, naging adiktus. Never kong ginawa, never akong naging addict sa role, so parang, ‘Wow! Challenging, bagong role, so why not?'” pahayag pa ni Sylvia.
Makakasama rin sa “Jesusa” sina Allen Dizon, Ynez Veneracion, Mara Lopez, Malu Barry, Vince Tanada, Fanny Serrano at introducing si Uno Santiago.
Planong ipalabas ang “Jesusa” sa mga sinehan nationwide sa May, 2019 bilang Mother’s Day offering ng OEPM.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.