Ex-vice gov, 2 pa guilty sa pinekeng resibo
HINATULANG makulong ng kabuuang walong taon ang dating vice governor ng Palawan kaugnay ng pamemeke umano ng resibo na pinababayaran nito sa gobyerno.
Sa 77-pahinang desisyon, hinatulang guilty sa dalawang kaso ng estafa sina David de Leon at dating Accounting Office management and audit analyst na si Anita Salas. Pinagmumulta rin sila ng P60,000.
Ang kapwa akusado nila na si dating executive assistant Adonis Grande ay hinatulan naman ng apat na taong pagkakakulong at P10,000 piyansa.
Pinawalang-sala naman sina dating provincial treasurer Teofilo Palanca Jr., dating provincial accountant Orlando Colobong, at dating provincial budget officer Luis Marcaida II.
Ayon sa prosekusyon, humihingi ng reimbursement ang mga akusado na nagkakahalaga ng P217,975 para sa ginastos umano nila sa restaurant at hotel ng pumunta sa Metro Manila.
Tumanggap umano si de Leon ng P12,975.50 reimbursement para sa pagkain sa Badjao Seafront Restaurant kahit na ang ibinayad lamang nito ay P2,975.50. Pineke umano ang resibo.
Nakatanggap din umano si de Leon ng P205,000 reimbursement para ginastos nito sa Tanglaw Restaurant ng Legend Hotel kahit ang binayaran lamang nito ay P343.11. Nagbigay ng certification ang hotel kaugnay ng ginastos ng akusado.
Sa kanyang depensa, sinabi ni de Leon na ang reimbursement ay hindi para sa restaurant kundi sa ginastos nito sa Palawan Anti-Drug Abuse Council at Palawan Youth Congress.
“What was glaringly and unquestionably proven is that the two contents of the two receipts were altered and intercalated, and that Badjao’s receipt’s original amount is only P2,975.50 while that of Legend is only P343.11,” saad ng korte.
Hindi rin binigyan ng bigat ng korte ang ginawang pagbabalik ni de Leon ng sobrang tinanggap nito.
“From the time Ponce De Leon collected the money as reimbursement for his alleged expenses, damage was already sustained by the government. Money was taken from the public coffers and the government was deprived of its use.”
Sina Salas at Grande naman ay kinasuhan dahil sa pagbibigay ng certification na legal at kailangan ang ginastusang ito kahit na kulang ang supporting document.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.