ARESTADO ang tatlo katao nang makuhaan ng aabot sa P1.5 milyon halaga ng hinihinalang shabu at mga baril, sa checkpoint sa Doña Remedios Trinidad, Bulacan, Miyerkules ng gabi.
Nakilala ang tatlo bilang sina Joselito Isidro, 30, at Florida Alipio, 46, kapwa residente ng Baliwag; at Jerome Jay Niño Silverio, 26, ng Bustos, sabi ni Senior Supt. Chito Bersaluna, direktor ng Bulacan provincial police.
Naharang ang tatlo dakong alas-11:30, habang sakay ng isang berdeng Mitsubishi Lancer, sa checkpoint na nasa Brgy. Pulong Sampalok.
Unang napansin ng mga pulis at sundalong nasa checkpoint na walang damit pang-itaas ang driver ng kotse, at nang hingan ito ng lisensya’y di nakapagbigay, ani Bersaluna.
Nang buksan ang ilaw sa loob ng kotse’y nakita naman nila sa driver’s seat ang isang Ingram sub-machine pistol, kaya huminging dokumento para dito, pero muling nabigo ang mga sakay, kaya inaresto na ng mga pulis at sundalo, aniya.
Nang siyasatin ang loob ng kotse’y natagpuan ang isang bag na may kalibre-.9mm pistola at anim na pakete ng hinihinalang shabu at drug paraphernalia.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.