Sindikato ng droga may bagong ‘style’ para makaakit ng ‘mule’ | Bandera

Sindikato ng droga may bagong ‘style’ para makaakit ng ‘mule’

Arlyn Dela Cruz - July 13, 2013 - 07:00 AM

NASA 677 na lang ang “drug mules” o couriers na ngayon ay nasa iba’t ibang kulungan sa iba’t ibang panig ng mundo.
Ang figure ay galing sa opisyal na report ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA. Marami sa kanila rito ay mga kababaihan.
Bakit? Madali daw kasing magtiwala, madaling makuha ang emosyon. Yun ang paliwanag ni PDEA Spokesperson Derrek Carreon nang siya ay makapanayam ko kamakailan lamang sa programa ko sa telebisyon.
Paano kinukuha ang tiwala? Paano ba nahuhulog ang damdamin? Paanong ang mga kababaihang ito ay nagtitiwala sa mga taong sangkot o nasa ilalim ng mga sindikato ng ilegal na droga?
Iba’t iba ang ginagamit na pamamaraan para makuha ang tiwala ng potensyal na courier. Liligawan, paiibigin, pangangakuan ng biyahe sa iba’t ibang bansa, paaasamin ng kasal. May ilang natutuloy sa kasalan ang usapan, may ibang hanggang sa biyahe lang.
Bago pa madiskubre na pasok na siya sa iligal na gawain, naibulid na siya sa katiwalian.
Makakasanayan na ang biyahe, at lalo na ang malaking perang kapalit.
Kapag nakalusot sa unang pagkakataon, lumalakas ang loob at doon, nauulit ang misyon hanggang sa tuluyang maubos ang kanyang swerte at mauwi siya sa bitay.
Sa social networking site ang kadalasang tagpuan ang mga nambibiktima at nabibiktima. Biktima sa una, kasabwat sa kalaunan.
Ayon sa PDEA, mga African nationals ang kalimitang nagsasagawa ng ganitong uri ng panghihikayat sa mga Pinay para maging kasangkapan nila sa ilegal na operasyon ng droga.
Pero may bago na raw estilo ang ilan sa kanila. Napatunayan ito ng PDEA batay sa isang pinakabagong kasong kanilang hinawakan base na rin sa reklamo ng isang muntik nang magamit sa ilegal na operasyon.
Pumapasok daw ang mga ito sa ilang unibersidad at kolehiyo sa bansa bilang mga foreign students. Hindi naman nilalahat ng PDEA ang mga Africans na nasa bansa para mag-aral. Ngunit ayon sa PDEA, hindi nagkataon lamang na isa, dalawa, tatlong kaso na ang nadiskubre nilang ganito ang pamamaraan.
Ang bagay na ito ay inalerto na sa Bureau of Immigration and Commission on Higher Education ayon sa PDEA upang magkaroon ng karagdagang pagbabantay at pagmamanman sa mga maaaring ganito ang layunin kaya pumasok sa bansa.
Ang maraming bilang ng mga kababayan natin na nasa kulungan sa ibang bansa ay sapat na dahilan na para magdulot ng takot sa mga maaaring mahulog sa ganitong uri ng ilegal na gawain.
Katatapos lamang ng isang kaso na nauwi sa bitayan.
Ang totoo sa Guangzhou China, nasa 21 ang nasa death row, at may two-year reprieve lamang.
Hindi lamang ang problema ng kahirapan, pagkaakit sa madaliang pera ang dahilan. Mas mabigat na kalaban ay emosyon at pag ang puhunan mo ay damdamin.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending