Napoles ilipat na sa correctional- korte
MULING iginiit ngayon ng Sandiganbayan First Division ang paglipat kay Janet Lim Napoles sa Correctional Institution for Women sa Mandaluyong City.
Sa pagdinig kahapon ibinasura ng korte ang urgent motion for reconsideration na inihain ng kampo ni Napoles na hayaan na lamang siyang nakakulong sa Camp Bagong Diwa sa Taguig.
Si Napoles ay napatunayang guilty sa kasong plunder at hinatulan ng habambuhay na pagkakabilanggo. Siya ang may-ari ng mga bogus na non government organization kung saan napunta ang pork barrel fund ng iba’t ibang mambabatas kapalit umano ng kickback.
Sa kanyang apela noong Disyembre 28, sinabi ni Napoles na mayroong depekto ang mittimus o ang transfer order ng korte dahil kinilala doon si Associate Justice Edgardo Caldona bilang chairman ng dibisyon.
Ang chairman ng dibisyon ay si Justice Efren de la Cruz.
Sinabi naman ni de la Cruz na walang problema sa mittimus dahil mayroong internal rules ang korte na kung wala ang chairman maaaring pumirma ng order ang mga junior member.
Ayon sa kampo ni Napoles mayroong banta sa kanyang buhay sa CIW kaya makabubuti kung mananatili na lamang ito sa Camp Bagong Diwa pero walang nakitang merito ang korte upang pagbigyan ito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.