Ayer na naman sa PNP? Susme | Bandera

Ayer na naman sa PNP? Susme

Lito Bautista - July 12, 2013 - 07:00 AM

SANA’Y di na magbago ang isip ng Malacañang na huwag nang papasukin sa National Police ang mga nagtapos sa Philippine Military Academy. Ang mga Ayer ang itinuring na salot sa noon ay Philippine Constabulary-Integrated National Police.

Hanggang sa naging PNP na nga at naroon pa rin ang mga Ayer, na naghari na. Nang dahil sa mga Ayer ay demoralisado ang mga Orig at di na rin sila umakyat ng ranggo. Pinaalalahanan ng Malacanang ang tagapagsalita ng PNP na si Reuben Sindac na nasa Saligang Batas na ang PNP ay dapat sibilyan at hindi militar.

Biglang kumambiyo si Sindac at sinabing hindi naman niya kinatigan ang pagbabalik ng militar sa PNP. Strike 2 na si Sindac. Noon, sinabi niya na wala siyang alam na direktang banta sa mga Kano sa Mindanao nang maglabas ang Amerika ng travel advisory na huwag magtungo sa Mindanao. Sunud-sunod ang kidnapping, walang alam na direktang banta si Sindac sa mga dayuhan, na ang huling insidente ay ang pagdukot sa dalawang indie filmmakers? Noong may mga Ayer sa pulisya, tulad ng nangyari sa Central Police District (Quezon City Police District ngayon), lahat ng kumakatas na puwesto ay nasa kanila at ang mga puwestong pawis (trabaho sa mainit na opisina at sikat ng araw) ay nasa Orig. Mabuti na lang at sumasabit madalas ang mga Ayer sa mga katiwalian kaya’t nakagaganti ang mga Orig. Napakasama ng tiyempo na ibig ibalik ang mga Ayer sa PNP.

Tiyempong taghirap ang bansa at napakaraming mahihirap. Maraming katas ang mapipiga sa PNP, tulad ng panahon ng PC. Kung magaling pumiga ang papasok sa PNP ay marami siyang maiipong katas. Merong inilipat noon sa Central Luzon, ang kanyang pinakaaasam-asam sa kanyang military career. Binansagan siyang “take it, or leave it,” dahil nang pulungin niya ang mga maghu-jueteng ay ibinaba agad niya ang kanyang presyo, “take it, or leave it.”

Nakaamba ang pambansang protesta kontra mataas na presyo ng gasolina’t krudo. Noong panahon ng Unang Aquino, anumang banta ng protesta ay pinangangambahan. Kaya ang mga opisyal nito ay agad na nakikipagpulong sa mga ibig magprotesta. Ngayon, magprotesta kayo hangga’t ibig ninyo. Walang makikipag-usap sa inyo.

Hindi na mabigat ang daloy ng trapiko sa Divisoria’t Quiapo. Iba talaga kapag tinakot ang mga opisyal ng Manila Police District na sisibakin sila sa puwesto kapag hindi nagtrabaho. At iba rin kung sa umpisa ng termino ay pulis agad ang sinibak.

Umalma ang mga may-ari ng sasakyang apat ang gulong sa naglalaro sa isip ng MMDA na dagdagan ang araw ng coding. Pinaghirapan nila ang pagbili ng sasakyan at matagal din itong pinag-ipunan at ang iba’y umutang pa para pandagdag. Ngayon, di nila magagamit ang sasakyan ng dalawa hanggang tatlong araw.
Matinding pang-aapi na iyan. Hindi trabaho ng mga may-ari ng sasakyan na mandohan ang trapiko para lumuwag. Trabaho ito ng gobyerno. Pero, ang mga may sasakyang dalawa ang gulong ay hindi tatamaan ng topak ng gobyerno.

Mataas na naman ang presyo ng gasolina’t krudo. Pero, hindi alam ng mga driver kung tama ang presyo o sobra. Trabaho ito ng Department of Energy. Kahit mataas ang presyo, dapat naunawaan ito ng driver. Maliban na lang kung kasabwat ang gobyerno sa sobrang presyo.

MULA sa bayan (i-text sa 0917-8446769): Sir Lito, nawala na ang pangarap ng arawang obrero na si Mang Domeng dahil sa P20 na ang taya sa lotto. Sana, ibalik sa P10, kasi kaming mahihirap ang pinakamalaking porsiyento ng mananaya. …9382

Malakas ang swertres dito sa Bayawan, Negros Oriental. At hindi sa outlet ang tayaan. …1400

Sir Lito, dito sa Blumentritt, Maynila ay hindi pa rin nalilinis ang pulisya. Ang akala ng mga vendor ay giginhawa na sila. Hindi pala. Erap, linisin mo ang Blumentritt station. …7610

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending