Mabuting pangalan at reputasyon, pangalagaan!
KULONG ang isang Pinay caregiver matapos niyang pagnakawan ng 260,000 Canadian dollars o mahigit sampung milyong piso ang matanda nang mga employer nito sa Canada.
Nagawa ng 50 anyos na si Antonette Dizon ang naturang krimen sa loob lamang ng isang taon. Umamin itong nagwi-widraw siya sa debit card ng amo ng isang libong dolyar kada araw.
Palibhasa’y matatanda na ang mga amo kung kaya’t palaging sinasamahan sila ni Dizon sa banko, kung kaya’t na-memorya nito ang password ng naturang account.
Nang mamatay ang among lalake, saka lamang nadiskubre ng anak nito na malaking halaga ang nawawala sa savings ng kaniyang mga magulang.
Agad itong humingi ng tulong sa mga awtoridad at naaresto ang Pinay. Naghain naman ito ng guilty plea. Nahatulan si Dizon ng isang taong pagkakulong at 18 buwan na probation.
Nakalulungkot na natutukso ang ating mga kababayan na pagnakawan, samantalahin at abusuhin ang kabutihan lalo pa ang tiwala ng kanilang mga employer.
Gayong nabubuhay na tayo sa mga panahong puro pagdududa, mayroon pa ring mangilan-ngilan na nagagawang magtiwala sa kanilang mga kasambahay. Yun nga lamang, hindi naman ito nasusuklian ng katapatan sa panig ng napagkatiwalaan.
Kasakiman ang sanhi ng lahat ng ito. Labis na paghahangad na magkaroon ng maraming salapi sa maikling panahon lamang. At magagawa lamang nila iyon sa paggawa ng masama.
Gayong marami namang mga dayuhang amo ng ating mga OFW ang tunay ding nagmalasakit at nagmahal sa kanila. May mga nababalitaan pa nga tayong isinama sa kanilang huling mga habilin o Last Will ang pangalan ng ating mga OFW iniwanan sila ng mana o ari-arian bilang gantimpala sa kanilang matapat na paglilingkod hanggang sa kamatayan.
Tao din naman ang mga amo nila. Damang-dama din nila ang pag-aaruga sa kanila ng mga kababayan natin na halos tratuhin din sila bilang mga sariling kadugo o kapamilya pa nga.
Kaya huwag sanang matukso ang mga OFW natin na pag-interesan ang pag-aari ng iba. Huwag sana nilang sayangin ang tiwalang ibinibigay ng kanilang mga employer.
Dahil hindi ang materyal na mga bagay ang kanilang ninanakaw. Ninanakaw nila ang tiwalang ipinagkaloob sa kanila. At tiyak din na kasabay nito ang pagkasira ng kanilang pangalan at mabuting reputasyon, isang matibay na dahilan na hindi ito karapat-dapat pang pagkatiwalaan.
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM(M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziqHelpline: 0998.991.BOCW E-mail: [email protected]/[email protected]
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.