BILANG paggunita sa ika-65 anibersaryo ng telebisyon sa Pilipinas, pormal nang binuksan ng ABS-CBN ang dalawang sound stages nito sa San Jose Del Monte, Bulacan na pang-Hollywood ang kalidad.
Ayon kay ABS-CBN president at CEO Carlo Katigbak, layunin nilang maipakita ang galing ng Pilipino sa buong mundo sa pamamagitan ng paggawa ng mga de-kalibreng palabas sa mga makabagong pasilidad na ito.
Naniniwala naman si ABS-CBN chairman Mark Lopez na kayang makipagsabayan ng Pilipinas sa ibang mga bansa, kung saan karaniwang sa sound stage na shinu-shoot ang mga eksena sa mga palabas at pelikula.
Ideya ni ABS-CBN chairman emeritus Eugenio “Gabby” Lopez III ang pagpapatatayo ng sound stages na aniya’y makakatulong sa paggawa ng mga produksyon na mag-aangat sa pangalan ng bansa sa buong mundo.
Simula 2019, magagamit na ng Kapamilya network ang sound stages na nasa loob ng isang 7.7-hectare na IT park, na meron ding mga opisina, dressing room at meeting room, rehearsal studio, at iba pang pasilidad na kailangan sa produksyon. Una nang nakalinyang gawin dito ang teleseryeng The Faithful Wife at ang pelikulang “Darna” ni Liza Soberano na magsisimula na ang shooting sa ikalawang bahagi ng 2019.
Kaagapay ng ABS-CBN sa pagtatayo ng high-tech na sound stages o studios na may laking tig-1,500 sq. m. ang Manhattan Beach Studios na kumpanya sa Los Angeles, USA. Bubuksan din ang sound stages sa ibang mga kumpanya rito sa bansa o mula sa ibang bansa na nais gamitin ang pasilidad para sa kani-kanilang proyekto.
Kasama nina Lopez III, Lopez, at Katigbak sa pagpapasinaya ng sound stages sina ABS-CBN board member at dating president at COO Freddie Garcia, ABS-CBN board adviser, dating president at CEO, at kasalukuyang chief creative officer na si Charo Santos-Concio, ABS-CBN COO of broadcast Cory Vidanes, at ABS-CBN Film Productions, Inc. managing director Olive Lamasan, kasama rin sina Rep. Rida Robes at Mayor Art Robes.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.