MEDYO madilim. Yan ang naging reaksyon ko nang magising ako noon Huwebes ng madaling araw. Kaagad kong kinuha ang aking cellphone upang tingnan kung mayroong mga bagong mensaheng naroon subalit hanggang aninag lang ang nangyari. Wala na kong makitang malinaw na letra.
Hindi ko sinabi sa aking maybahay ang nangyayari sa akin dahil paalis siya papuntang Butuan at ayaw ko namang guluhin ang kanyang biyahe na may kinalaman sa kanyang trabaho. Sa halip ay hinayaan ko siyang umalis na parang normal ang lahat.
Nang makaalis ang aking asawa’y sinabi ko sa aking bunso na si Elizah ang nangyari sa akin. Sinabi kong wala na akong makita at maliwanag na lang ang lahat. Ang sabi ko sa kanya’y huwag siyang mag-alala at pagtuunan niyang mabuti ang kanyang pag-aaral.
Papasok na siya sa eskwelehan ng mga oras na iyon. Nang ako’y mapag-isa ay inisip ko kung ano ang mangyayari sa buhay ko. Tatanggapin ko ba ito? Lalaban ba ako? O bibitiw na lang? Matapos ang ilang oras ay sunod sunod na tawag sa cellphone at telepono ang aking natanggap.
Tumawag ang aking panganay na si Illuminada. Ang sumunod sa kanyang si Sabrina at ang aking kapatid na si Angela.
Lahat sila ay nagtatanong kung ano ang nangyayari sa akin. Nagtataka ako at tinanong ko sila kung paano nilang nalaman na halos bulag na nga ako.
Bago pala umalis ng bahay si Elizah ay naipost niya sa facebook ang aking sitwasyon at marami na pala ang nakakaalam sa nangyari sa akin. Mga ilang oras pa ang lumipas at nagsidatingan sila Illuminada at Sabrina at inalo nila akong parang bata. Maya-maya’y tumawag din ang aking maybahay na nakalapag na sa Butuan.
Tila gusto niyang magpabook kaagad ng ticket pabalik subalit sinabi kong tapusin na nya ang trabaho niya doon tutal kasama ko na ang mga anak ko. Dumating din ang aking anak na lalaking si Lucas galing sa trabaho at nabigla siya sa kanyang naabutan.
“Huwag kang ganyan papa. Pupunta pa tayo sa doctor. Papatingnan natin yan,” sabi nila.
Tiningnan nila ang direktoryo at naghanap ng ophthalmologist sa Delgado Hospital na malapit lamang sa amin. Sa madaling salita, kahit na pinanghihinaan ako ng loob sa mga oras na iyon ay binigyan ako ng lakas ng aking mga anak. Habang hinihintay namin ang oras ng pagpunta kay Dr. Gerard Bordador ay pinag-usapan namin ang magiging takbo ng aking buhay.
Bagama’t nasa ikapitong buwan ng pagdadalantao, sinabi ni Illuminada na sasamahan na lang niya ako sa bahay at siya ang magta-type ng aking mga artikulong ididikta sa kanya. Babasahin niya sa akin ang laman ng sports page tuwing umaga para hindi ako maligaw.
“Temporary lang naman ito papa. Pag nakakita ka na ulit, ikaw na ang magta-type.” Ayon sa pagsusuri ni Dr. Bordador ay may katarata ang aking kaliwang mata at ang kanan naman ay naapektuhan ng diabetes. Nuong Lunes matapos ang apat na sunod sunod na pagsusuri ay itinakda ni Dr. Bordador ang pagtanggal sa katarata sa Sabado.
Ayon kay Dr. Bordador, 50-50 ang tyansa na makakita ang kaliwang mata ko kapag natanggal ang katarata. Subalit kung may damage din ito bunga ng diabetes ay maghihintay ako ng dalawa hanggang tatlong buwan bago sumailalim sa laser treatment sa dalawang mata.
Isang malaking leksyon sa akin ang pagsubok na ito. Kung nuong Huwebes ay nawalan ako ng pag-asa, ngayon ay nagdarasal ako na muling makakita upang masuklian ang aking pamilya na nagparamdam sa akin ng pagmamahal. Gusto ko pang makita ang aking mga apo. Naniniwala ako na mangyayari iyon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.