Christmas wish ni Maine: Sana talaga gumaan na ang buhay ng mahihirap
SENTI-SENTI ang feeling ng mga Pinoy na dumagsa sa Araneta Center nu’ng Biyernes para saksihan ang muling pagbabalik ng Christmas attraction nu’ng 1960s na sinimulan ng COD department store.
Nadoble pa ang kasiyahan ng mga naroon dahil sa presence ng Phenomenal Star na si Maine Mendoza sa event kasama si Baeby Baste.
Nagpasampol pa siya ng kantang “Last Christmas” habang si Baeby Baste naman ay bumanat ng kantang “Have Yourself A Merry Little Christmas.”
Sa muling pagbubukas ng COD sa Cubao, isang tao rin ang personal na napaligaya ni Meng bukod sa mga taong sumaksi sa pagbabalik ng Christmas tradition na nagngangalang Mama Mila.
Kasama ng GMA news reporter na si JP Soriano si Mama Mila at personal na nakilala ang Dubsmash Queen. Special guest siya sa isang episode ng Brigada sa GMA News TV na mapapanood sa Nov. 27.
Todo ang pasasalamat ni JP kay Maine sa pagpapaunlak niyang makilala si Mama Mila na idinaan niya sa kanyang Twitter.
“You made her & all of us happy. I absolutely applaud your kindness & generosity, you’re such an inspiration!” bahagi ng tweet ni JP.
Nagkaroon din ng chance si JP na matanong kay Meng kung ano ang kanyang Christmas wish.
“Alam mo pinag-iisipan ko rin ‘yan eh kasi wala na akong mahihiling pa ngayong Pasko. Pero siguro gumaan talaga ang buhay ng mga mahihirap. Kahit ano man ‘yon, kahit na anong klaseng paghihirap,” pahayag ng Phenomenal Star.
Walang oras para magbakasyon sa abroad si Maine kasama ang pamilya ngayong Holiday season.
Kasama kasi siya sa pagpu-promote ng “Jak Em Popy: The Puliscredibles ” na entry niya with Vic Sotto at Coco Martin sa 2018 MMFF.
“Sa ngayon, dito lang kami. Sama-sama sa bahay with relatives. Get together kami sa side ng nanay ko. ‘Yun lang. Kain tapos catch up. Simple lang pero masaya,” saad pa ng Comedy Princess.
Samantala, sa mga loyal AlDub fans na nagtatanong, si Alden Richards naman ay sa Amerika magsi-celebrate ng Christmas kasama ang buong pamilya. Pagkakataon na rin ng Pambansang Bae na maka-bonding ang pamilya na walang inaalalang trabaho.
Pero babalik din sila sa bansa bago ang New Year dahil tradisyon na niyang maging bahagi ng GMA New Year’s Countdown special tuwing Dec. 31.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.