Kim sasaniban ng masamang espiritu sa ‘MMK’
Sasaniban ng masamang ispiritu si Kim Chiu bilang si Sarah sa isang nakakikilabot na episode ng Maalaala Mo Kaya ngayong Sabado, Nob. 24.
Simula pagkabata, nakaranas at nakakakita na ito ng mga premonisyon—kasama na ang ilang matinding trahedya na naganap sa ibang panig ng mundo.
Mapapangasawa ni Sarah si Michael (Edgar Allan Guzman), na magiging matiyaga at mapagmahal sa kanya sa kabila ng lahat ng pagdaraanang hirap—ang pagkabulag, pagdurugo, at patuloy na pagdanas ni Sarah ng mga masamang pangitain.
Hanggang isang araw, papayuhan si Sarah ng isang kaibigan na sumangguni sa isang pari sa Archdiocese ng Maynila. Sa kanilang pagtatagpo, matutukoy ng pari na ang dahilan ng mga premonisyon at nakakatakot na pangyayari sa kanyang buhay ay dulot ng matagal ng kumakapit sa kanyang masasamang pwersa ng kadiliman.
Madidiskubre rin ni Fr. Syquia na ang kinikimkim na galit sa mga magulang simula pa noong bata siya ang pinagmulan ng pasanib.
Magkakaroon pa ba ng kapayapaan sa buhay ni Sarah? Magiging maayos pa kaya ang relasyon ni Sarah sa mga magulang?
Kasama rin sa MMK episode na ito sina Irma Adlawan at PJ Abellana, sa direksyon ni Topel Lee at sa panulat nina Akeem Jordan del Rosario at Arah Jell Badayos.
Panoorin ang longest-running drama anthology sa Asya, ang MMK, tuwing Sabado ng gabi sa ABS-CBN.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.