Meralco Bolts palaban pa sa quarterfinals spot matapos durugin ang San Miguel Beermen
Mga Laro Linggo (November 4)
(Smart Araneta Coliseum)
4:30 p.m. Phoenix vs Blackwater
6:45 p.m. TNT KaTropa vs Barangay Ginebra
Team Standings: Ginebra (8-2); Magnolia (8-3); Alaska (8-3); Phoenix (7-3); Blackwater (7-3); San Miguel (6-5); Meralco (5-6); NLEX (5-6); TNT (4-6); Rain or Shine (3-8); NorthPort (2-9); Columbian (1-10)
NAPANATILI ng Meralco Bolts ang pag-asang makapasok sa quarterfinals matapos nitong durugin ang San Miguel Beermen, 111-81, sa kanilang 2018 PBA Governors’ Cup game Sabado ng gabi sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.
Napag-iwanan ng limang puntos sa halftime, 49-44, nagsagawa ang Meralco ng ratsada sa ikatlong yugto sa pangunguna ni two-time Governors’ Cup Best Import Allen Durham para makalayo at itayo ang 12-puntos na kalamangan, 78-66, papasok sa huling yugto ng laro.
Hindi naman nagpapigil ang Bolts sa ikaapat na yugto kung saan ipinagpatuloy nito ang pagragasa para tuluyang tambakan ang Beermen at magkaroon ng tsansang mahablot ang ikawalo at huling quarterfinals berth.
Pinamunuan ni Durham ang Meralco sa ginawang 35 puntos at 26 rebound.
Nagdagdag si Reynel Hugnatan ng 19 puntos habang sina Chris Newsome at Baser Amer ay nag-ambag ng 11 and 12 puntos para sa Bolts.
Nanguna naman si Kevin Murphy para sa San Miguel Beer sa ginawang 32 puntos at 10 rebound.
Sa unang laro, kumana si Chris Tiu ng career-high 30 puntos para buhatin ang Rain or Shine Elasto Painters sa upset win kontra NLEX Road Warriors, 107-101.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.