KAPAG nagdesisyon na mangibang-bayan ang isang Pinoy, buo ang loob nito at inihanda ang sariling harapin anuman ang mga problema at hamon na kakaharapin sa kanyang buhay-pag-aabroad.
Nakalulungkot lang, palibhasa ay tao lamang, minsan pinanghihinaan din ng loob ang ating mga kababayan, lalo pa’t kung dumaranas sila ng sunod-sunod na mga dagok sa buhay.
Gayong nagagawa nilang maitago sa kapamilya ang tunay na dinaranas sa ibayong dagat, tulad ng pag mamalupit ng amo, labis-labis na oras ng pagtatrabaho, walang makain, walang pahinga, at ang iba ay hindi pa nga sinusuwelduhan.
Lahat ng iyan ay nakapagpapahina ng loob sa isang OFW.
Kung pinagpipilitan nilang itago ang kanilang mga problema, siya namang kabaliktaran ng kanilang mga kamag-anak na naiiwan sa Pilipinas.
May mga kapamilyang bukod sa hingi nang hingi na nga ng pera sa ating OFW, na animo’y ATM ang mga ito, hindi rin nila magawang magtago ng kahit maliliit na mga problema.
Lahat ng iyon ay pilit namang tatanggapin ng OFW at pilit kinakaya ang bawat marinig mula sa mga mahal sa buhay.
May ugali din kasi ang ating mga OFW na pilit pinagbibigyan ang lahat ng kahilingan ng kanilang mga kaanak.
Maraming na ngang gastusin, pati mga layaw ay ipinanghihingi pa. Kaya naman ang kaawa-awang OFW, kahit walang-wala na ayipangungutang pa mapagbigyan lang at makapag padala sa kanyang kapamilya.
Iyan din ang ugali nating hindi maintindihan ng mga dayuhan. Nagugulat ang mga employer ng ating OFW na nagpapadala sa Pilipinas ng kanilang mga kinikita ang ating mga kababayan. Hindi nila matanggap na naghahanapbuhay ang isang Pilipino para sa iba, para sa kanyang kapamilya.
Dahil para sa mga dayuhan, anumang pinaghihirapan nila ay sa kanila lamang.
Sabagay, alam naman natin ang kultura ng mga Amerikano—kapag nasa edad 18 na ang isang bata, kailangan nang umalis ito ng kanilang tahanan. Mabubuhay na siya nang solo. Kung gusto niyang magpatuloy ng pag-aaral, uutang siya sa kanilang pamahalaan at saka nila iyon babayaran kapag nagtatrabaho na sila.
Ganyan ang kultura ng ibang mamamayan sa labas ng Pilipinas.
Di gaya nila, nangingibang-bayan ang ating mga OFW upang masapatan ang pangangailangan ng pamilya, makapag-paaral, makapagpatayo ng kahit maliit na negosyo at magkaroon ng sariling bahay.
Magiging madali lamang ito para sa kanila kung sila ay mag-aabroad dahil malaki nga naman ang kinikita doon kaysa sa parehong trabaho sa Pilipinas.
Kapag nag-iisa na ang OFW, doon na niya mararamdaman ang matinding lungkot at pagkahabag sa sarili.
Kaya naman isang OFW ang uminom na lamang ng bleach dahil sa matinding homesickness at depression na dinaranas niya.
Marami pang OFW ang dumaranas ng katulad sa problemang pinagdaraanan niya.
Sana lang patuloy na maging matibay at magpakatatag ang ating mga kababayan na maging determinadong bumalik ng buhay sa kanilang pamilya.
Matuto ring magtapat nang tunay na nararamdaman. Huwag niyong itago ang mga mabigat na dinadala, sapat na ang may nakikinig sa inyo at nakakaalam ng inyong mga pinagdadaanan.
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM(M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziqHelpline: 0998.991.BOCW E-mail: [email protected]/[email protected]
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.