UST Tigers palaban pa sa UAAP Final Four
PINALAKAS ng University of Santo Tomas Growling Tigers ang tsansa nitong makakuha ng Final Four slot matapos talunin ang University of the East Red Warriors, 79-68, sa kanilang UAAP Season 81 men’s basketball game Linggo sa Filoil Flying V Centre, San Juan City.
Bunga ng panalo, umangat ang Growling Tigers, na nagwagi sa apat sa kanilang huling limang laro, sa 5-5 record.
Naghahabol ang Growling Tigers, 29-23, sa kalagitnaan ng ikalawang yugto bago pumutok si Marvin Lee na kumana ng 12 puntos sa 16-2 ratsada ng UST.
Si Lee rin ang tumapos sa nasabing opensiba sa paghulog ng isang 3-pointer para maitayo ng Growling Tigers ang 39-31 bentahe may isang minuto ang nalalabi sa first half.
Nalasap naman ng UE ang ikaanim na diretsong pagkatalo para manatili sa ilalim ng team standings sa hawak na 1-10 record.
Nagtala naman si UST rookie guard CJ Cansino ng kasaysayan sa liga matapos na maging unang freshman na nakapagtala ng triple-double.
Nakamit ito ni Cansino may 51.1 segundo ang nalalabi sa laro matapos na mabigyan ng pasa si Zach Huang na nakaiskor sa isang layup para ihatid ang UST sa 74-62 kalamangan. Ito ang ika-10 assist ni Cansino na sinamahan ng kanyang 18 puntos at 13 rebound sa puntong iyon.
Nagtala naman si Lee ng career-high 30 puntos mula sa 8-of-18 shooting na lahat ay pawang mula sa 3-point area.
Nagtapos si Cansino na may 20 puntos, 14 rebound at 10 assist habang si Huang ay nag-ambag ng 14 puntos at pitong rebound.
Pinamunuan ni Alvin Pasaol ang Red Warriors sa ginawang 26 puntos, pitong rebound at tatlong steal habang si Philip Manalang ay nagdagdag ng 15 puntos, apat na rebound at walong assist.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.