Noranians nagwala sa galit nang muling ilaglag si Ate Guy bilang National Artist
Nagwala na naman ang mga tagahanga ng Superstar na si Nora Aunor. Nabigo na naman ang kanilang pangarap na maluklok ang kanilang idolo sa listahan ng mga National Artist ng ating bayan.
Pasok ang pangalan ng singer-actress sa listahan ng mga pagpipilian, pero sa muli ay nabigo ang Superstar, isang indie director ang nakakuha ng puwesto bilang National Artist sa larangan ng pelikula.
Humihingi ng paliwanag ang mga Noranian, bakit nalaglag na naman sa pilian-botohan ang kanilang idolo, kasabay ang pangunguwestiyon sa piniling parangalan ng mga hurado?
Ano nga kaya ang nagiging balakid sa pagpoposisyon kay Nora Aunor bilang National Artist? Kung babalikan natin ang kanyang kartada bilang magaling na aktres ay madaling sabihin na siya dapat ang bigyan ng pagpupugay.
Kung bilang naman ng mga pelikulang de kalidad ang pag-uusapan ay walang dudang naabot na ng Superstar ang mga katangian ng isang maipagmamalaking bituin ng pelikula na dapat iniuupo na sa trono.
Ang palaging idinadahilan ng iba ay ang pagkakasangkot niya sa usapin ng droga nu’ng nasa Amerika pa siya. Ilang dekada na ang nakararaan mula nang maganap ‘yun pero hanggang ngayo’y bitbit pa rin pala ni Nora ang hindi kagandahang imahe na humaharang para mapili siyang National Artist?
Umaapela ang mga tagasuporta ng Superstar. Kung hindi raw ngayon ay kailan pa?
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.