ANG lahat ng pagkilos ay DDD (dapat dalhin sa dasal). Ang DDD ay may ibubungang pagkilos. Iyan ang Pagninilay sa Ebanghelyo (Gal 1:13-24; Sal 139: 1-3, 13-15; Lc 10:38-42) sa Paggunita kina San Denis, obispo, at mga kasamang martir; at San Juan Leonardo, pari.
Lahat ng pagkilos ng gobyerno para sagipin ang mahihirap at arawang obrero ay windang; dahil walang lakip na dasal. Ang mahihirap ay buhay pa rin dahil parating may lakip na dasal (God provides, anang Biblia, bagaman mas bastante ang mga ibon na may pugad at ang tao ay walang bahay). Nakamasid ang langit. Anang Salmo: Batid Mo ang aking pag-upo at pagtayo. Ang paglalakbay at paghiga ko ay minamasid Mo… Si Digong na lang, at ang Pulitzer-award writers, ang di alam kung paano nabubuhay ang mahihirap sa Aroma, Tondo.
Ang overthrow ay nasa seniors ng AFP; wala sa juniors at foot soldiers. Ang juniors at foot soldiers ay nanlupaypay sa sinapit ni Palparan sa husgado (RTC). Tatanggapin lamang nila ito kapag tinuldukan ng SC ang usapin. Isa sa mataas na opisyal ng AFP ay likas na putchist. Puwera ang ’86, lahat ng trabahong pagpapabagsak sa pangulo ay milyones ang bayad.
May halagang binanggit para tastasin si Duterte; at patayin. Ang problema, 2017 inflation ang base. Sa 2018, triple ang hirit at atubili ang kati ng balon. Ngayon buwan, isinususog pa rin ang interes ng US. Pero, sangkatlo lang sa mga opisyal na balasador ng US ang nag-aapurang durugin si Digong. Ang China at Russia ay nauutot sa katatawa na gagamitin pa rin ang laos na putchists na parating bigo sa plano pa lamang. Wala pa silang naipanalong coup.
Dahil halos bawat bahay ay may motorsiklo, scooter o mountain bike, nalulugi ang mga sari-sari stores. Matalino sina Sy, Co, Tantoco, Gokongwei at ilang Intsik (yan ang pamagat ng anthology ng Anvil, kaya’t di mahalay ang salitang Intsik) dahil patuloy silang nagbubukas ng malalaking grocery. Mas mahal sa sari-sari kaya’t sa grocery na lang, mas makatitipid kung walo at pataas na pangangailangan ang bibilhin. Sisiw ang layong 1-8 km. Ito ngayon ang nangyayari sa NC, MM (North Caloocan, Metro Manila).
Bagaman sinuong ko ang init, uhaw, ang peligro sa kalye dahil magsi-65 na (at wala pang maparadahan) sakay ng RS-125 sa Basilica Minore Manila Cathedral mula sa Dona Remedios Trinidad, Bulacan, ang di naagnas na puso ni Santo Padre Pio, paring Capuchin at mystic (1887-1968) ay peregrinong espirituwal na lamang. Ang international healer na si Fr. Vic Robles, nagtatag ng National Shrine of the Divine Mercy sa Santa Rosa 1, Marilao mahigit 20 taon na ang nakalilipas, ay may first-class relic ni Padre Pio (dugo), at ito’y hinahalikan ng mga deboto’t may sakit sa Pinas at abroad. Bakit napakaraming santo ng simbahang Katolika ang di naagnas, bagkus nakapagpapagaling pa ng cancer?
Magpapasko noong 1974, nakarating sa kaalaman ni FM na ilang CA justices ang sablay ang Ingles. Kaya bilang maagang aginaldo, ipinadala niya ang isang English prof para iwasto ang preps, gerunds at idioms. Nangiti sina JT at KP. Sinita ni Miriam si Eta dahil Barok-Gondina ang Ingles. 2018, aba’y isang mahistrado ng SC ang malabo ang Ingles!
UST (Usaping Senior sa Talakayan, Santo Rosaryo, Malolos City, Bulacan): Masiglang tema ang kamatayan para sa talakayan ng mga senior citizens ngayong malapit na ang Undas. 90% sa matatanda rito ay handa na sa kamatayan, at walang kumokontra. Ang sigalot ng balitaktakan ay ang pekeng paggalang sa mga patay, gayung hindi iginagalang ng mga buhay ang isa’t isa.
PAGBABAHAGI sa NilaYan (Nilay-ugnayan sa Malhacan, Meycauayan, Bulacan): Karamihan sa mga batang nasangkot sa iba’t ibang krimen ay wala nang nanay o tatay, o iniwan na ng kanilang mga magulang dahil di naman kasal ang mga ito. Ang mga bata’y kinupkop ng lola, lolo, tiya, tiyo, o maging kapitbahay o kaibigan. Ang mga bata’y di alam na may Jesus pala, taliwas sa naganap sa Ebanghelyo sa ika-27 linggo ng karaniwang panahon.
PANALANGIN: O piissima Virgo Maria, non esse auditum a saeculo, quemquam ad tua currentem praesidia, tua implorantem auxilia, tua petentem suffragia, esse derelictum. Memorare.
MULA sa bayan (0916-5401958): Nang patayin siya, tahimik lang ang taga-Ozamiz. Deep inside, natatakot kami dahil alam namin na may mangyayari. Dasal namin na huwag nang masundan ang nangyari. … 1376, Kinuman Sur, Ozamiz City
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.