Ateng Beth,
Tulungan mo naman po ako. May malaki po kasi akong problema at hindi ko talaga alam ang gagawin ko.
Nandito po ako sa Maynila at nagtatrabaho bilang kasambahay.
May boyfriend po ako, driver namin. May nangyari na po sa amin at ngayon ay buntis ako.
Hindi raw niya ako mapapanagutan kasi may pamilya raw siya. Hindi ko po alam na may pamilya na siya kasi ang pakilala niya sa amin ay single siya.
Hindi ko alam kung aalis na ako sa trabaho. Wala po akong pupuntahan. Ayaw kong umuwi sa mama ko sa Cebu dahil nahihiya ako sa kalagayan ko.
Alam kong nagkamali ako sa desisyon ko. Anong gagawin ko? Please, please tulungan mo po ako. Tawagin na lang po ninyo akong Tere.
Hello, Tere!
Sa totoo lang ang hirap na hindi manisi sa mga ganyang sitwasyon.
Kaya, hayaan mong sisihin muna kita ha bago kita payuhan. Sana lang, no, bago ka sumama sa boyfriend mo at tuluyang isuko ang Bataan, ay inalam mo muna ang tunay na kalagayan niya sa buhay. Hindi dapat nagpapaniwala agad-agad sa sinasabi.
Anyway, andiyan na yan, hindi na maibabalik ang panahon.
Ang tanong, inilihim n’yo ba sa mga amo ninyo ang inyong relasyon ninyo kaya hindi mo naitanong sa kanila kung may asawa na yang tinamaan ng kulog mong boyfriend?
Sa susunod ha, huwag basta mai-in love sa mga lalaki sa paligid. Sana natuto ka na at hindi na maulit ang ganito.
Tungkol sa sustento ng lalaki, I think pwede kang humingi ng tulong sa DSWD para may legal ka namang laban.
Tungkol sa ano ang gagawin mo, basically tanungin mo ang mga amo mo. Papayagan ka pa ba nilang magtrabaho kahit buntis ka? At hopefully hindi ka maselan sa pagbubuntis at makatrabaho ka pa rin. At sana mapayagan ka nila at matulungan ka nilang magplano kung ano ang gagawin mo.
May option ka naman kung gusto mong ipa-adopt ang anak mo. Magtanong ka sa DSWD at makakatulong sila sa iyo. Or pwede namang pagsumikapan mong buhayin ang iyong anak.
Kausapin mo ang nanay mo, hindi mo forever na maitatago sa kanya ang kalagayan mong yan. Hindi yan pigsa sa pwet na pwedeng itago ng panty o pantalon at shorts mo.
Wala na rin naman silang magagawa kundi magalit sa umpisa tapos nun, harinawa, matanggap na nila.
Sa ngayon, nakaka-panic talaga ang kalagayan mo. Pero sa tulong ng mga taong pwedeng magpayo sa ‘yo at tutulong sa iyo morally and financially rin sana, unti-unti, araw araw, makakayanan mo ‘yan, maniwala ka sa kin, Tere.
May problema ka ba sa puso, relasyon sa asawa, anak, pamilya, kaibigan o katrabaho? Aba’y i-text na iyan sa 09156414963 o sa 09275373810 at tiyak na may sey diyan si Ateng Beth.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.