Judge na humahawak sa Parojinog/Kuratong case patay sa ambush sa Ozamiz
PATAY ang judge na humahawak sa ilang kaso na may kaugnayan sa Parojinog at Kuratong Baleleng group matapos ang pananambang sa Ozamiz City, Misamis Occidental, Lunes ng hapon.
Kinilala ang biktima na si Judge Edmundo Pintac, ng Ozamiz City Regional Trial Court Branch 15, sabi ni Senior Supt. Emmanuel Hebron, Misamis Occidental provincial police director.
Nagtamo si Pintac ng siyam na tama ng bala, matapos tambangan habang pauwi na ng bahay, sabi ni Supreme Court Administrator Atty. Midas Marquez.
Nangyari ang insidente habang minamaneho ni Pintac ang kanyang sasakyan sa Purok 2B, Brgy. Banadero, ganap na alas-4:20 ng hapon.
Nauna nang nagpalabas si Pintac ng arrest warrant laban kina Ozamiz Councilor Rizalina Francisco, mister na si Manuelito, at kanilang anak na lalaki na si June, na pawang nahuli noong Abril sa San Fernando City, La Union, dahil sa paglabag sa batas hinggil sa pagdadala ng mga explosives.
Si Manuelito, ayon sa pulisya, ay isa sa mga nagtayo ng Parojinog/Kuratong Baleleng group.
Inaalam pa ang pagkakakilanlan ng mga suspek, gayundin ang motibo sa pagpatay.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.