Demanda ni Gretchen laban sa dating boss ng ABS-CBN ‘diskriminasyon’ daw sa LGBT LGBT
HATI ang madlang pipol sa kontrobersyang kinasasangkutan ng ABS-CBN entertainment news reporter na si Gretchen Fullido. Ito’y kaugnay ng pagsasampa niya ng kasong sexual harassment at libel sa ilang executives ng Kapamilya Network. May mga kumampi sa dalaga at meron ding nam-bash. Ilang netizens ang humanga sa katapangan ni Gretchen at may mga nagsabi naman na kasalanan din niya ang nangyari dahil sa pagsusuot niya ng seksing damit sa TV Patrol. Nag-file ng sexual harassment case si Gretchen sa Quezon City Prosecutor’s Office laban kina Cheryl Favila, dating ABS-CBN News executive, Maricar Asprec, ABS-CBN News segment producer, at libel naman laban kina broadcast journalist Ces Drilon, news executive Venancio Borromeo at entertainment news reporter Marie Lozano. Narito ang bagong official statement ni Gretchen na inilabas ng kanyang abogadong si Atty. Marvin Aceron: “All I can say is these are public records now. The public can do their research and verify. Please just pray for me in these difficult times.” Nag-isyu na rin ng statement ang mga idinemanda ni Gretchen, sa joint statement nina Favila at Asprec, pinanindigan nila na “baseless” ang sexual harassment case sa kanila ni Gretchen. Isa raw itong “classic e-xample of discrimination” laban sa LGBTQ (Lesbian, Gay, Bisexual, Transgender Queer) community. Parehong miyembro ng LGBTQ sina Favila at Asprec. Sa official statement naman ni Ces, sinabi nitong ikinalulungkot niya ang pagsasampa sa kanya ng libel ni Gretchen kasabay ng pag-amin na biktima rin siya noon ng sexual harassment at kinokondena niya ang ganitong uri ng pagsasamantala.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.