Goma ipagigiba ang mga palpak na pabahay sa Ormoc
SA nakaraang “My 40 Years” concert ni Sharon Cuneta ay maraming nakapansing teary-eyed si Richard Gomez sa duet nilang “Somewhere Down The Road” na ayon sa aming source ay isa sa paboritong kanta nang dalawa.
Bukod dito ay walang tigil ang hiyawan at tilian ng audience at halos lahat ng mga taong nakaupo malapit sa entablado ay nagpuntahan sa harap para kunan sila ng litrato.
Kaya pagkatapos ng production number nina Goma at Shawie ay kinunan ang Ormoc City Mayor ng reaksyon sa mainit na pagtanggap ng mga tao sa Big Dome.
“Nagulat nga rin ako si-guro sa nakita kong reaskyon, siguro gusto ng fans na may gagawin kaming movie, maganda at positive ‘yung reaks-yon,” sabi ng aktor-pulitiko.
Tungkol naman sa maluha-luhang pagkanta nila ni Sharon, “Ganu’n ba? Ha-hahaha! Baka ako lang ‘yun? Natutuwa ako kasi dahil ang tagal naming hindi nagsama sa stage, actually, I’m very happy to be with her on stage again.”
Sinagot din ni Richard ang tungkol sa sinabi ni Sharon sa guesting niya sa Gandang Gabi Vice na kinakabahan siya sa muli nilang pagharap ni Goma sa kamera para sa reunion movie nila mula sa direksyon ni Cathy Garcia Molina.
“Ako ang mas lalong kinakabahan kaya nga ni-request ko sa kanila na ‘yung ibang part ng movie, doon isu-shoot sa Ormoc at pumayag naman sila (Star Cinema),” saad ng aktor.
Marami raw magagandang lokasyon na pwedeng pagsyutingan sa Ormoc tulad ng mga beach, pineapple plantation, mountain views at lawa. At kung hindi magbabago ang plano ay sisimulan na ang shooting ngayong linggo.
Samantala, sa solong panayam namin kay Goma ay tinanong namin siya kung okay sila ni Sen. Kiko Pangilinan, “Oo,” kaswal na sagot ng aktor.
Binanggit namin na habang kumakanta kasi sila ni Sharon ay talagang seryoso silang pinapanood ng senador, “Sino? Ha-hahaha!” natawang sagot ni Goma, “Wala naman ‘yun, ganu’n lang talaga.”
Samantala, excited si Richard na muling makatrabaho si Kathryn Berbardo dahil limang taon na ang nakalipas nang huli silang magsama sa “She’s Dating The Gangster” kasama si Daniel Padilla.
“Oo, ngayon dalagang-dalaga na, nagulat ako, ang laki na nang pinagbago ni Kathryn,” saad ni Goma.
Nabanggit ding hanggang pelikula lang ang kayang gawin ni Richard sa ngayon at pass muna siya sa teleserye dahil mahabang oras ang kakainin nito at conflict sa trabaho niya bilang mayor ng Ormoc.
At tungkol naman sa viral video niya habang pinagagalitan ang taong in-charge sa pagpapatayo ng 16 housing units sa Barangay Gaas ng National Housing Authority (NHA), sinabi niyang ipagigiba niya ang mga ito dahil substandard ang mga materyales na ginamit.
Nagtataka ang aktor kung bakit inumpisahan na kaagad ipatayo ang mga bahay gayung kitang-kita na low standard ang hollow blocks at nakikita ito sa kulay pa lang.
“Dapat mga ganu’n supplier, hindi na pinapayagan,” sabi pa.
Inamin ding alam niya ang mga lagayan na nangyayari sa humawak ng project pero sana ayusin ang trabaho dahil ang concerned niya ay ang mga taong titira sa mga bahay.
As of this writing ay hinihintay ng aktor ang sagot ng private contractor na humawak ng project para sa final inspection.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.