Malasakit ng HK employer sa OFW, kahit di niya kasambahay
KATATAPOS lamang ng hagupit ng bagyong Mangkhut sa Hongkong kung kaya’t naging abala ang kanilang mga mamamayan upang sinupin at isaayos muli ang mga winasak at sinalanta ng naturang kalamidad.
Siyempre, ganoon din sa kanilang mga kabahayan. Kaya nga lamang mukhang nakalimot ang isang HK employer at OFW natin na ipinagbabawal na sa Hongkong ang paglilinis sa labas ng kanilang mga bintana na ipinatupad noon pang 2017.
Nasa 14th floor ang unit na tinitirahan ng naturang OFW. May isa namang employer sa kabilang gusali ang nakapunang nililinis ng OFW ang labas ng mga bintana.
Kinunan niya iyon ng larawan at tinawag ang kanyang Pinay domestic helper at ipinakita ang litrato. Ramdam sa naturang employer ang pagmamalasakit nito sa OFW kung kaya’t nagawa nga niyang kunan iyon ng larawan at ipinakita pa sa kanyang kasambahay na kapwa OFW na naturang Pinay.
Alam ng alam ng employer ang batas na ipinatutupad sa Hongkong. Napaka-delikado nga naman na magpabitin-bitin mula sa matataas na mga gusali ang ating mga mga kababayan, lalo pa’t mga kababaihan, upang makapaglinis lamang ng kanilang mga bintana.
Nagsisimula pa lamang ang Bantay OCW program noon may 20 taon na ang nakalilipas at napakaraming mga kasong napaulat hinggil sa pagkahulog ng mga domestic workers sa HK. At bibihira ang nakaligtas mula sa mga pagkakahulog na iyon.
May ilang bersyon din ang Bantay OCW kapag may nahulog na OFW mula sa gusaling pinagtatrabahuhan.
Maaaring aksidente talagang nahulog ito. O di kaya’y sadyang nagpatihulog siya o nagpatiwakal. At puwede ring may nagtulak sa kaniya at sadya siyang inihulog.
Nakatutuwa ang naging aksyon ng foreign employer na ito na kinunan pa picture ang OFW mula sa kabilang building. Kaya naman nang ibinigay niya iyon sa kanyang Pinay domestic worker, kaagad naman itong tumawag sa ating Konsulado upang maireklamo ang naturang insidente. Maraming salamat sa mabilis na pagkilos na ito ng mag-among nabanggit.
Matuto sanang magreklamo ang ating OFW kapag pinapagawa na sila ng mga labag sa batas. At maging sa iba pang mga bagay, labag din naman iyon sa kanilang mga kalooban, huwag sana silang matakot at malayang sabihin ang nararamdaman at may paggalang na tanggihan iyon sa pamamagitan ng mabuting pakikipag-usap sa kanilang mga employer.
Marami namang mga dayuhang employer sa iba’t-ibang panig ng mundo ang tunay na may malasakit din naman sa kanilang mga manggagawa. Kung nagpapakita ng pagmamahal ang OFW, sinusuklian din naman iyon ng pagmamahal at malasakit ng kanilang mga employer, maging sa kanilang mga kapamilyang naiwan sa Pilipinas.
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM(M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziqHelpline: 0998.991.BOCW E-mail: [email protected]/[email protected]
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.