DI bababa sa walo katao, kabilang ang isang batang babae, ang nasugatan nang sumabog ang improvised na bomba sa tabi ng isang botika sa General Santos City, Linggo ng tanghali, ayon sa mga otoridad.
Nasugatan sina Marlon Orabia, 30; Jeslly Guyos, 19; Joana Bles Alipio, 6; Felipa Regios, 63; Lanie Alipio, 34; John Lenon Calary, 22; Claire Uozoia, 24, at Anthon Fallor, 24, sabi ni Supt. Aldrin Gonzales, tagapagsalita ng Central Mindanao regional police.
Naganap ang pagsabog sa sangay ng TGP Generics Pharmacy sa Makar crossing, dakong alas-11:40, aniya.
Tila itinanim ang IED sa tabi ng pharmacy, ani Gonzales, gamit bilang basehan ang ulat na nakarating sa kanyang tanggapan.
Dinala ang mga sugatang sibilyan sa St. Elizabeth Hospital, kung saan nalaman na bahagyang pinsala ang kanilang tinamo sa mga binti, sabi ni Maj. Ezra Balagtey, tagapagsalita ng Armed Forces Eastern Mindanao Command.
Nagdulot din ang pagsabog, na naganap sa bahagi ng National Highway sa Brgy. Apopong, ng bahagyang pinsala sa isang tolda at sports utility vehicle, aniya.
Nagpadala ng mga pulis at sundalo sa pinangyarihan para sa imbestigasyon, ani Balagtey.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.