UMABOT na sa mahigit 13,000 katao na ang nagsilikas sa iba’t ibang bahagi ng Luzon dahil sa bagyong “Ompong,” ayon sa mga otoridad.
Base sa datos, 3,342 pamilya o 13,660 katao na ang nagsilikas sa Ilocos region, Cagayan Valley, Cordillera, at maging sa Bicol, batay sa datos na nakalap ng Bandera.
Pinakamaraming naiulat na evacuee sa Cagayan, kung saan 2,023 pamilya o 8,411 katao na ang nagsilikas, ayon sa ulat ng Office of Civil Defense-2.
Di bababa sa 1,738 katao ang nagsilikas sa Ilocos region, 513 sa Cordillera, at 447 sa Bicol, ayon sa ulat ng mga tanggapan doon ng OCD.
Dahil sa panibagong direksyon ng bagyo, tumaas naman sa 5.2 milyon ang inaasahang bilang ng maapektuhan, sabi ni Edgar Posadas, tagapagsalita ng National Disaster Risk Reduction and Management Council.
Noong una’y Cagayan ang may pinakamaraming inaasahang maaapektuhan, lumabas sa pagtaya Biyernes ay Isabela na ang mapupuruhan kung saan 1.57 milyon katao ang maaaring makaramdam ng “severe effects” ng bagyo, ani Posadas.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.