Monsour ayaw munang gumanap na kontrabida sa serye, pelikula
NATAGALAN bago nagbalik sa pag-arte ang Taekwondo Olympic medalist at Sports Hall of Fame awardee na si Cong. Monsour del Rosario dahil mas nag-focus muna siya sa public service.
Kahapon sa presscon ng mala-Hollywood action-drama film na “The Trigonal” na idinirek ni 8-time Muay Thai champion and MMA coach Vincent Soberano, sinabi ni Monsour na marami-rami ring nag-offer sa kanya na magbalik-showbiz pero hindi niya tinanggap.
“Iniiwasan ko kasi ‘yung mga role na kontrabida, ‘yung mga gumagawa ng hindi maganda, ng labag sa batas, kasi nga pinoprotektahan ko ‘yung posisyon na hinahawakan ko ngayon,” simulang paliwanag ng actor-politician na parang hindi pa rin tumatanda.
Dagdag pa ng kongresista, mas nais niyang gumanap ng mga karakter na magbibigay inspirasyon at magpapakita ng katapangan at kagalingan ng mga Pinoy. Ito raw ang rason kung bakit tinanggap niya ang “The Trigonal” na tumatalakay sa kuwento ng isang retired mixed martial arts (MMA) and Karate champion na napilitang sumabak uli sa laban para maitumba ang isang drug syndicate.
Ayon pa kay Monsour, bukod sa napakagandang kuwento at produksyon ng “The Trigonal”, mabibigyan din ng magandang exposure ang MMA sa big screen na malapit sa kanyang puso. Hindi rin daw siya nagdalawang-isip na tanggapin ang proyekto dahil matagal na niyang kaibigan ang direktor nitong si Vincent Soberano.
In fairness, isa pa sa dapat nating ika-proud ay ang pagkakapili kay Monsour bilang kauna-unahang Pinoy na Taekwondo Man of The Year dahil sa hindi matatawarang kontribusyon niya sa nasabing larangan.
Samantala, bibida sa “The Trigonal” si Ian Ignacio, isang theater actor na may black belt din sa larangan ng Taekwondo. Siya ang gaganap bilang si Jacob Casa, na mahihikayat na sumali sa isang underground martial arts tournament kung saan malaki ang mapapanalunan kung ikaw ang mananalo pero kamatayan naman kung ikaw ay matatalo.
Makakatambal niya rito ang Kapuso actress na si Rhian Ramos na gaganap bilang asawa niyang buntis na si Annie. Tutol ito sa pakikipagbakbakan ni Jacob at kukumbinsihing bigyang-pansin na lamang ang kanilang martial arts school sa Bacolod.
Hindi rin nagpatalbog si Rhian sa paggawa ng action scenes para sa pelikulang ito at mismong si Monsour daw ang umalalay sa aktres sa mga buwis-buhay na eksenang ipinagawa sa kanya ni Direk Vincent.
Pero isang malupit na trahedya ang mag-uudyok kay Jacob na pasukin ang Trigonal, na pinamumunuan ng isang drug lord at dating MMA fighter. Kasama ang isang wushu champion at ang kanyang sensei (Monsour), haharap sa isang matitinding labanan si Jacob.
Gaganap naman bilang kakampi niya sa kuwento ang wushu champion na si Sarah Chang as Mei Li. Produkto si Sarah ng Central Academy of Drama ng Beijing at nag-aral ng stunts sa Jackie Chan Stunt Team training center sa Tianjin. Siya rin ang Action Director para sa pelikulang ito.
Ayon kay Direk, “Our only objective is to make a movie that combines a love story with a thriller, some comedy, and a whole lot of mixed martial arts action never before seen onscreen.”
Showing na ang “The Trigonal” sa Sept. 26 nationwide handog ng VIVA Films kasama ang Cinefenio Films Studios, RSVP Film Studios at PIAYA. Makakasama rin dito sina Epy Quizon, Christian Vasquez with Direk Vincent sa isang very special role.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.