KILALANIN si Alma, ang OFW na ginahasa at nabuntis ng brother-in-law ng kanyang employer, sa episode ngayong Sabado ng Maalaala Mo Kaya hosted by Charo Santos.
Bata pa lang ay pangarap na ni Alma ang makapag-abroad para maiahon sa hirap ang kanyang pamilya sa Malvar, Batangas. Hindi rin siya nakapagtapos ng pag-aaral dahil sa kahirapan. Kaya tulad ng kanyang inang si Alexandra, naging mananahi rin si Alma.
Nang magdalaga, may nag-alok sa kanya na pumasok na entertainer sa Japan dahil malaki ang kita pero hindi pumayag ang ina. Hanggang sa makilala niya si Manuel, ang lalaking magpapatibok ng kanyang puso. Nagsama ang dalawa at nagkaroon ng sariling pamilya.
At dahil lumalaki na ang kanilang pamilya, nagdesisyon si Alma na ituloy na ang pangarap niyang makapag-abroad kahit na kontra si Manuel. Ngunit hindi nagtagal ay bumalik din si Alma sa Pilipinas matapos akusahan ng kanyang employer ng pagnanakaw.
Sa kabila nito, hindi pa rin nadala si Alma dahil nang alukin uli siya ng isang recruiter na magtrabaho sa Riyadh, Saudi Arabia at agad niya itong tinanggap. Ito’y sa kabila ng pagmamakaawa ni Manuel na huwag nang umalis dahil feeling nito’y illegal recruiter ang kanyang kausap. Hindi nga nagkamali si Manuel dahil mas matindi ang naging hirap at sakripisyo niya sa bago niyang employer.
Pero ang pinakamatindi ay nang gahasain siya at mabuntis ng brother in law ng kanyang employer.
Paano kaya ito matatanggap ni Manuel at ng kanyang pamilya. Makabalik pa kaya siya sa Pilipinas? At makaya kaya ng kanyang kunsensya kung ipapalaglag niya ang sanggol? ‘Yan ang tutukan sa isa na namang espesyal na episode ng MMK na isinulat nina Jaymar Santos Castro at Arah Jell Badayos sa direksyon ni Nuel Naval.
Bibida rito sina Meryll Soriano as Alma, Allen Dizon as Manuel, Lilygem Yulores, Abby Bautista, CX Navarro at Nhikzy Calma. Napapanood pa rin ang MMK tuwing Sabado ng gabi sa ABS-CBN lang.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.