P2/minuto singil ng Grab ibalik-mga driver ng TNVS
ISINULONG ng tinatayang 100 driver ng transport network vehicle service (TNVS) sa Land Transportation and Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para maibalik ang P2 kada minutong singil ng Grab Philippines.
Nanawagan ang iba’t ibang lider ng TNVS kay LTFRB Chair Martin Delgra na tuparin ang pangako nang ihayag sa isang pagdinig na ibabalik nito ang P2 kada minutong singil ng Grab ngayong linggo.
“Patuloy niyo kaming makikita kung hindi ibibigay ng LTFRB yung hinihiling namin na P2 per minute. Kung hindi nila tuparin iyon, sila mismo ay nagsisinungaling sa kanilang sarili nang sinabi nila sa harap ng congressmen na ibibigay nila iyon,” sabi ni Arlyn Caromongan, presidente ng GCM Delta.
“Sila ang mga nakaupo na gumagawa ng batas. Sila ang regulating body na nagreregulate ng transport system. So kung sila mismo ang babali ng salita nila, sino pa ba ang dapat paniwalaan sa Pilipinas at sa gobyerno natin?” dagdag ni Caromongan.
Iginiit ng lider ng TNVS na si Winson Esteras, president ng CTPro, na ligal ang P2 kada minutong singil ng Grab.
“Kailangan niyang ibigay kasi maraming dokumento na nagpapatunay na ito ay legal at dapat ibigay sa aming mga driver, operator na tumatakbo sa kalye. Inaasahan namin na ibabalik niya dahil ito ay legal at karapatan naming makuha ito,” ayon pa kay Esteras.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.