NAGBABALIK-KAPUSO ang singer-actress na si Lilet na unang sumikat sa isang softdrink commercial at naging member din noon ng That’s Entertainment.
Sa kauna-unahang pagkakataon, mapapanood si Lilet sa Kapuso seryeng My Special Tatay kung saan gaganap siyang nanay ni Ken Chan na isang binatang kulang sa pag-iisip.
Nauna nang sinabi ni Ken na super excited siyang makatrabaho si Lilet dahil idol daw ito ng kanyang ina noong kasagsagan ng That’s Entertainment. Napakagaling nga raw ni Lilet sa mga madadrama nilang eksena sa My Special Tatay.
Sey naman ni Lilet, hanga siya sa determinasyon at disiplina ni Ken dahil hindi nga biro ang ginagampanan nitong papel sa kanilang serye bilang si Boyet.
“Masaya silang kasama sa tent, tapos ‘yung mga bagets din like si Ken, napakamaalaga kahit na ako ‘yung older. Like isang gabi, naglalakad kami sa hagdan, inaalalayan niya ako pababa.
So nakakatuwa dahil maganda ‘yung working relationship namin sa cast,” kuwento ni Lilet sa nakaraang presscon ng My Special Tatay na gaganap bilang palabang ina sa serye.
Nang matanong kung ano ang matututunan ng mga manonood sa kuwento ng MST lalo na sa karakter ni Boyet (Ken) na may intellectual disability, “Lahat tayo, hindi lang doon sa family kung hindi doon sa buong community, puwede tayong mag-contribute doon sa journey sa isang kagaya ni Boyet in a positive or negative way.
“So sana piliin natin makapag-contribute doon sa journey niya in a positive way para matulungan siya na ma-overcome ang lahat ng challenges kahit na mayroon siyang intellectual disability,” dagdag pa ni Lilet.
Mapapanood na ang My Special Tatay simula Sept. 3 sa GMA Afternoon Prime. Kasama rin dito sina Arra San Agustin bilang love interest ni Ken, Teresa Loyzaga, Candy Pangilinan, Jestoni Alarcon, Rita Daniella, Ms. Carmen Soriano, Jillian Ward, Bruno Gabriel, JK Giducos at marami pang iba. Ito’y sa direksyon ni LA Madridejos.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.