NAHULI na sa balita itong si manong na tumataya ng lotto pag may naiiwang pera sa bulsa.
May isang buwan na rin kasi mula ng huli niyang tayaan ang petsa ng kaarawan at edad ng kanyang mga mahal sa buhay sa lotto.
Nag-abot siya ng P20 kasama ang pag-asa na manalo at maibsan ang kanyang paghihirap sa buhay at makatikim naman ng ginhawa.
Nagbabakasakali na mapanalunan ang pera na alam niyang hindi niya kikitain sa pagtatrabaho sa construction sa buong buhay niya.
Nagtataka siya ng sabihin ng teller na kulang ng P4. Mababasa mo sa kanyang mga mata na wala siyang ideya sa sinasabi ng teller.
Hindi niya alam na noon pang Hulyo ay pinapatawan na ng buwis ang taya sa mga sugal ng Philippine Charity Sweepstakes. Hindi naman masisisi ang PCSO dahil meron naman silang mga anunsyo, hindi lang siguro napansin ni manong o ganun siya katagal na hindi nakataya.
Ang taya na P5 ay may documentary stamp tax na P1 kaya P6 na ang bagong presyo. Ang P10 taya ay P2 ang buwis kaya P12 na. At ang P20 na taya sa lotto P24 na.
At baka hindi rin alam ni manong, hindi na rin niya maiuuwi ng buo ang premyo kung siya ang tatama ng jackpot prize.
Bago pa niya mahawakan ang tseke ay kakaltasan na ito ng 20 porsyentong tax. Sa bawat P1 milyon na mapapanalunan mo ay P800,000 na lamang ang mapasasakamay nya. Kaya kung makakatyamba ka ng P100 milyon, ang take home nya ay P80 milyon. Malaki pa rin naman at sino bang ayaw sa P80 milyon, eh tiyak na magbabago na ang buhay mo rito?
Ang bagong pagbubuwis na ito ay nakapaloob sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion na ipinatupad noon pang Enero. Hindi gaya ng ibang pinatawan ng buwis na nagsimula noong Enero 1, hindi kaagad na ipinatupad ang bagong buwis sa lotto.
Si manong nga pala ay isang jeepney driver kaya ramdam din niya ang pagtaas ng presyo ng diesel.
Kahapon tumaas nanaman. Ilang beses na bang tumataas ngayong taon.
Hindi na makuwenta ni manong kasi pagkonti-konti lang daw ang pagtaas. Ang alam lang niya ay konti na ang naiuuwi niya sa kanyang pamilya.
May mga gabi na hindi na rin siya nakakabili ng “Empe” na ginagamit niyang pampatulog dati.
Ngayon kasi ang pambili ng alak ay ibinibigay na lang niyang pambaon sa kanyang mga anak. Buti na lang daw at libre ang matrikula sa mga pampublikong paaralan, kung nagkataon ay problema pa ang pang matrikula.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.