Caluag kumubra ng bronze sa 18th Asian Games
JAKARTA — Nabigong ipagtanggol ni Daniel Patrick Caluag ang kanyang inuwing gintong medalya apat na taon na ang nakaraan matapos na magkasya lamang sa tansong medalya sa BMX event ng Cycling sa 18th Asian Games Sabado sa Pulo Mas International BMX Center dito.
Hindi man naipagtanggol ang kanyang titulo ay muling naipamalas ni Caluag ang kakayahan nito na minsan pa na makapagbigay ng medalya at makasabay sa mga ka-level nito sa Asian Games.
Ipinamalas muli ni Caluag ang husay Sabado ng umaga upang agad na hamunin ang mga kalaban partikular ang tumapos sa una at ikalawang puwesto na sina Yoshitako Nagasako, na dating Asian champion, at 2017 Southeast Asian Games gold medalist mula Indonesia na si Gusti Bagus Saputra.
“I didn’t get the result I aimed for but I am happy to contribute a medal for the Philippines,” sabi ng 31-anyos na si Caluag.
Tulad ng inaasahan ay dinomina ni Nagasako ang karera upang makuha ang gintong medalya sa 33.699 segundo. Ipinadama rin ni Saputra ang tibay sa pagwawagi sa pilak sa 34.314 segundo.
Sinelyuhan din ni Caluag ang sarili sa ikatlong puwesto na 35.842 segundo sa event na isinasagawa sa UCI-regulation track na tinukoy ng Filipino-American na nagtatrabaho bilang nurse sa Estados Unidos na “excellent” para sa pagsasanay at kompetisyon.
Ikinatuwa rin ni PhilCycling president Abraham “Bambol” Tolentino ang pagwawagi ni Caluag kahit na kinapos ito sa pagwawagi ng ginto na nagawa nitong masungkit sa 2014 Incheon Asian Games.
“Danny [Caluag] didn’t race in any UCI event ahead of the Asian Games but still, he managed to deliver,” sabi ni Tolentino. “He has beaten the Japanese gold medalist before but in this race, Danny gave him a scare—to think that the Japanese is UCI ranked while Danny isn’t.”
Ang tanso ay sapat na rin para kay Caluag at Philippine cycling, ayon pa kay Tolentino.
“Not bad after four years. When it comes to BMX, the Philippines is still the team to beat,” sabi pa ni Tolentino.
Matatandaan na nagawa ni Caluag na mauwi ang tanging gintong medalya ng bansa sa Incheon apat na taon na ang nakaraan. Sa kasalukuyan ay mayroon pa rin ang Pilipinas ng isang ginto mula kay Hidilyn Diaz sa weightlifting.
Ang nakababatang kapatid ni Caluag na si Christopher John ay muli naman hindi nakapasok sa finals matapos itong mapag-iwanan sa loob ng tatlong motos (heats).
Hindi rin sinuwerte si Sienna Elaine Fines na bagaman nagawang makatuntong sa finals ay tumapos lamang na ikalimang puwesto sa karera na pinamunuan ni Zhang Yaru ng China, Chutikan Kitwanitsathian ng Thailand at Wiji Lestar ng Indonesia.
“So close—only two tads short,” sabi ni Fines, isa sa mga popular na atleta sa Asian Games dahil sa kanyang maganda at inosenteng personahe at sinabi na isang malaking motibasyon para sa kanya ang natutunan sa Asian Games para mas palawakin ang pagsasanay sa sport.
“This has been a great experience. This is the Asian Games and it’s like the Olympics already,” sabi ng 19-anyos na si Fines, na iniwanan pansamantala ang pag-aaral sa nakalipas na tatlong taon upang magkonsentra sa BMX racing.
Itinala ni Zhang ang 39.643 segundo para sa ginto sa BMX cycling na humakot ng maraming manonood. Ikalawa si Kitwanitsathian na .736 naiwan sa ikalawang puwesto at si Lestar na 1.145 segundo naiwan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.