KAPAG naitatanong sa OFW kung bakit nga ba sila nagdesisyon na magtrabaho sa abroad, may halong emosyon ang nagiging tugon nila. Iyon anila ay para sa kanilang pamilya.
Kaya nga lamang, palibhasa hindi naman nila kontrolado ang mga kalagayan, kung kaya’t minsan, ang pamilyang pinag-aalayan ng kanilang mga pangarap, pagsasakripisyo at pagtitiis na mawalay sa kanilang mga mahal sa buhay, ang siya pang nagiging dahilan ng labis na kalungkutan at kawalang katuturan ng kanilang pangingibang-bayan.
Labis ang kalungkutan ng isang single mom na si Girlie, OFW sa Europa, nang mabalitaan niyang nalulong sa droga ang dalawang binatilyo niyang mga anak.
Sa gitna ng paghihinagpis, nasambit niyang balewala pala ang lahat ng kaniyang paghihirap sa abroad dahil napariwara lang ang kanyang mga anak.
Gustuhin man niyang umuwi, parehong mas magiging miserable lamang umano ang kanilang mga buhay.
Wala siyang inaasahang trabaho sa Pilipinas. Kung meron man, magkakasya sila sa kakarampot na sasahurin at malabong magkasya para sa kanilang mga pangangailangan.
Kaya minabuti na lamang ni Girlie na manatili sa abroad at ipinaubaya sa kanyang mga kapatid ang kanyang mga anak.
Kung kinakailangang ipa-rehab, ipasok na lamang nila at padadalhan niya ng pera panggastos sa rehab.
Titiisin na lamang niya ang situwasyon at tatanggapin nang maluwag ang sinapit ng mga anak. Ito umano ang mga panahon na hindi na dapat emosyon ang pinagagana ng tao, kundi ang pagiging praktikal nito sa pagharap at paglutas ng mga problema.
Si Andy naman, isang seafarer at mahigit 10 taon nang sumasakay ng barko. Para rin sa pamilya kung bakit niya piniling maging marino.
Bed-ridden ang asawa nito at may apat na mga anak na pinag-aaral pa. Nang makatanggap siya ng hindi magandang balita hinggil sa pamilya, plinano niyang tumalon nang barko at wakasan na lamang ang kaniyang buhay. Sabay kasing nabuntis ang kanyang 16 at 14 years old na mga anak at pawang nasa high school pa lamang.
Natiyempuhan siyang nakita ng kasamahang seafarer sa aktong tatalon na ito at nahawakan nito ang kaniyang mga paa dahilan upang mapigilan ang planong pagpapakamatay.
Tulad ni Girlie, tanong ni Andy kung para saan pa ba ang kaniyang pag-abroad.
Ihabol pa natin ang kaso ni Raymond. Bagong kasal sila ng asawa at nangakong dalawang kontrata lamang upang may magamit sila sa sisimulang negosyo ni misis.
Ngunit ilang buwan pa lamang siyang nakakaalis nang mabalitaan niyang sumama sa isang opisyal ng militar ang kaniyang maybahay.
Hindi pa man nag-iinit ‘ika nga sa kanyang pag-abroad, pero wala na ring katuturan para kay Raymond ang pag-alis ng bansa.
Pare-pareho silang tatlo na wala na palang pinag-lalaanan ng kanilang pangingibang-bayan.
Hangad na lamang nila na makayanan ang mga hamon sa buhay at makapag patuloy sa kabila ng napakaraming problema at mga kalungkutang kinakaharap.
vvv
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM(M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziqHelpline: 0998.991.BOCW E-mail: [email protected]/[email protected]
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.