Edsa singles ban ng Metro Manila mayors, tiklop sa mga senador
SIMULA ngayong Lunes, umatras na ang MMDA at Metro Manila Council sa kanilang “expanded High Occupancy Vehicle lanes sa EDSA” o pagbabawal sa mga “drivers only” tuwing rush hour.
Ang MMDA regulation 18-005 ay i-naprubahan noong Agosto 7 at naglalayong magkaroon ng “dry run” mula Agosto 15 hanggang 22, kung saan ang full implementation sana ay sa Huwebes, Agosto 23.
Nag-isyu ang mga senador ng Resolution-123 na nagsabing magsagawa muna ng “public consultations” ang MMDA at Metro Manila Council at pag-aaralan pa nang husto ang naturang pagbabawal.
Sinuspinde naman agad ng MMDA ang ban, habang wala pang pormal na desisyon ang MMC na magpupulong ngayong linggo. Gayunman, tuloy pa rin daw ang “dry run”, ayon kay GM Jojo Garcia.
Kung susuriin, may mga pagkukulang talaga ang MMC at MMDA. Una, wala talagang public hearing.
Ikalawa, walang polisiya kung itutuloy ng MMDA-LTO ang 70 percent rule sa mga tin-ted na mga sasakyan.
At ikatlo, paanong hulihan ang gagawin, “non-contact apprehension” o “on ground”? Pero, kung hindi kikilos ang MMDA at puro public hearing lang ang gagawin, lalong lalala ang trapiko sa araw-araw.
Sa aking palagay, yumuko lang ang MMDA sa Senado dahil sa respeto at siyempre dahil nalalapit na ang kanilang budget deliberations para sa taong 2019.
Mahirap nang awayin ng MMDA ang mga senador ngayon, pero iba siyempre ang mentalidad ng mga Mayors, lalot pareho lang silang halal ng bayan. Tatlo ang isyu rito: una, dapat mabawasan ang 70 percent ng mga sasakyan sa EDSA tuwing rush hour na single driver lang.
Ikalawa, ang mga heavily tinted na mga sasakyan (431 ang dumaan sa EDSA nitong dry run) at ikatlo ang isyu ng non-contact apprehension. Sa ngayon, umiiral ang Anti-Distracted Driving law (RA 10913) na nag-aatas sa LTO na i-regulate ang mga “heavily tinted” na sasakyan gayundin ang mga gadgets na nakakaharang sa pagmamaneho.
Sunud-sunod ang public hearing ng LTO ngayon dahil nais nitong maglabas ng “administrative order” tungkol sa mga “tint” ng mga sasakyan na bawal noong Martial law at PACC ni Sen. Lacson. Sa aking palagay, madidisiplina ang mga salbaheng motorista kung “lantad” o “public” ang kanilang pagmamaneho at hindi nakatago sa mga heavily tinted na sasakyan.
Ito’y dahil tingin nila’y kaya nilang lumabag sa batas trapiko, dahil walang nakakakita at hindi sila mahuhuli.
Nawiwindang tuloy ang araw-araw nating biyahe. Kung pagbabawalan ang heavily tinted, magiging exposed ang mga driver sa on-ground na panghuhuli, at sa mas matibay na non-contact apprehension via digital cameras na magbabantay sa kanila.
Tingnan niyo ang Parañaque, 20 percent ang binaba ng traffic violations dahil sa high tech ang kanilang “QPAX no contact system (hardware and software)” at otomatik na “computer ang nanghuhuli sa mga traffic violators.
Mas moderno pa kaysa MMDA na “ma-nual” o manu-mano ang nagmomonitor sa 300 security cameras. Ito ang tamang panahon para ipatupad ang “transparency” sa lansangan sa mga sasakyan, traffic enforcers, motorista at MMDA.
Tutal, lahat tayo may kakayahang mag-viral-video sa mga palpak na traffic enforcers at palpak ding mga motorista, magtulungan tayo para malutas ang problema sa trapiko. Panahon nang umiral ang tunay na disiplina sa mga lansangan!
For comments and questions please email [email protected] or [email protected].
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.